Isang aplikasyon para sa 'minahang bayan' sa Itogon aprubado na

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2019 04:54 PM

Isang aplikasyon para sa 'minahang bayan' sa Itogon aprubado na 1
Isa sa mga nakitang solusyon para sa pagpapatigil ng small-scale mining ay ang pagkakaroon ng minahang bayan. May isa nang naaprubahang aplikasyon para dito ang DENR. ABS-CBN News

ITOGON, Benguet - Aprubado na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang isang aplikasyon para sa "minahang bayan," ang tinitingnang posibleng solusyon para matigil ang small-scale mining sa bayang ito.

Oktubre nang ipatigil ng DENR ang lahat ng operasyon ng small-scale mining sa Cordillera matapos itong makita bilang isa sa mga posibleng sanhi ng sunod-sunod na pagguho ng lupa sa lugar, kung saan ilan ang namatay. 

Ang pag-apruba ng DENR ay alinsunod na rin sa desisyon ng Provincial Mining Regulatory Board (PMRB) ng Benguet.

“'Yung nauna na 'yung sa Loacan, sa LIPMA (Loacan Indigenous Peoples Mining Association), mga sinubmit namin mga 80 hectares, may naaprubahang mga 64, 56 hectares ang pasok sa private property ng Benguet Corp,” ani Benguet Gov. Cresencio Pacalso.

Malaking bagay ito para sa mga minero ng Loacan, kahit pa hindi ito nangangahulugang maaari na silang makapagmina, ayon kay Pacalso.

“Kino-convince pa namin 'yung mga miyembro namin, 'yung mga tao, na kung pwede i-extend pa nila 'yung paghihintay. ‘Wag muna silang magmina, wala pang papasok hangga’t di pa kami naaprubahan,” ani Judy Almosa, kinatawan ng LIPMA.

Bago makapag-operate, kinakailangan munang kumuha ng small-scale mining contract ng mga minero mula sa lokal na tanggapan ng Mines and Geosciences Bureau. 

Ilan pa sa mga requirement para sa minahang bayan ay ang environmental compliance certificate (ECC), environmental plan, mining plan, at health at safety plan.

Pag-asa raw ang hatid nito sa mga residenteng pagmimina ang ikinabubuhay, pero may mangilan-ngilang may pag-aalinlangan.

Ang residenteng si Geoffrey Taplin mula Loacan, tutol dito. Dati siyang minero pero tumigil dahil nakita niya raw ang mga masamang epekto nito sa kalikasan.

“May giba-giba na tapos sa may taniman ng gulay, bulaklak, may mga crack na. kung idadagdag pa 'yung minahang bayan, di lalong masisira na 'yun,” aniya.

Mungkahi niya sa kapwa mga minero, maghanap na lang daw ng ibang hanapbuhay tulad ng pagsasaka.

Sa ngayon, may pito pang aplikasyon para sa minahang bayan ang nasa tanggapan ng DENR Central Office at hinihintay ng PMRB na maaprubahan.