Kasambahay, 'ayaw manakit' kaya di nangidnap, nagnakaw na lang

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2018 04:28 PM | Updated as of Jan 03 2018 10:16 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang kasambahay na nagnakaw ng daan-daan libong pera, alahas, at iba pang gamit mula sa isang pamilya sa Pasay City noong Kapaskuhan.

Kinilala ang suspek na si Estelita De Castro Medina na anim na buwang nagsilbing kasambahay sa pamilya ni alyas "Miguel."

Tumungo sa Davao ang pamilya nina Miguel para magdiwang ng Pasko at iniwan ang bahay sa pangangalaga ni Medina.

Pero pagbalik ng pamilya noong Bagong Taon ay wala na ang kasambahay, na tumangay ng perang aabot sa P300,000, mga alahas, gadget, at kalibre .22 na baril.

Pati ang P5,000 ipon sa wallet ng bata ay kinuha.

Nakuhanan pa ng CCTV ang pagpapabalik-balik ni Medina sa kuwarto, dala ang ilang plastic, hanggang sa lumabas ito sa bahay na may bitbit na malaking bag.

Ayon kay Miguel, malaki ang panghihinayang nila kay Medina dahil wala naman silang naging problema rito sa panahong nanilbihan ito sa kanila.

Pinagkatiwalaan umano nila ito at pinakisamahan nang maayos.

Nag-iwan pa ng sulat ang kasambahay na si Estelito De Castro Medina kung saan inamin nitong dapat ay kikidnapin niya ang anak ng kaniyang mga amo pero sa halip ay nagnakaw na lang ito ng mga pera, alahas at gadgets.

Humingi ng tawad

Nag-iwan si Medina ng liham at inaming dapat ay kikidnapin niya at ng kaniya umanong grupo ang batang anak ni Miguel.

Pero hindi na lang niya umano ito itinuloy dahil ayaw niyang may masaktan kaya gamit na lang ang kaniyang kinuha. 

Sa kabila ng nagawang krimen, humingi pa ito ng tawad.

Kakasuhan si Medina ng qualified theft at grave threat.

Makikipagtulungan ang ahensiyang pinanggalingan ni Medina sa Pasay police para matunton ito.

Umaasa si Miguel na magsisilbi itong babala sa iba na doblehin ang pag-iingat at kilalaning maigi ang mga kasama sa bahay.

Naglaan na rin ang pamilya nila ng P100,000 para sa makapagtuturo sa kinaroroonan ni Medina.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.