MAYNILA — Muling sumipa ang COVID-19 cases sa Pilipinas sa huling linggo ng Disyembre 2021, na tingin ng mga eksperto ay dahil sa mas nakahahawang omicron variant na nagdulot din ng pagdami ng mga kaso sa ibang bansa.
Huling nakaranas ng surge ang Pilipinas noong bandang Agosto, kung kailan nakapagtala ang bansa ng higit 406,000 bagong kaso. Sinasabing bunsod naman ito ng delta variant.
Sa gitna ng pagkalat ng iba-ibang variant ng COVID-19, paano nga ba masasabing omicron o delta variant ang nagdudulot ng sintomas na nararanasan ng isang tao?
Ayon sa public health adviser na si Dr. Tony Leachon, karaniwang sintomas ng isang tinamaan ng delta ang fever, sore throat, diarrhea, runny nose at hirap sa paghinga.
"Papasok sa lungs niyo ito (virus). 'Pag pasok sa lungs niyo, magkakaroon kayo ng shortness of breath, ang tawag diyan ay severe acute respiratory syndrome," paliwanag ni Leachon sa panayam ng TeleRadyo.
"Ang presentation nito, hirap na hirap [kayo] huminga at nakakamatay ito. Deadly itong delta variant," dagdag niya.
Sa omicron, makararanas din ng fever at sore throat, pero mayroong fatigue at body pain o panghihina at pananakit ng katawan.
Hindi rin masyadong nakararanas ng hirap sa paghinga ang mga pasyenteng may omicron, ani Leachon.
"Because ayon sa pag-aaral, ang delta, ang inaatake ay lungs. Ang omicron, ang inaatake, upper airway," paliwanag ng doktor.
"'Yon ang main differentiating point kaya wala masyadong lung problem [na dinudulot] 'yong omicron."
Posible aniyang lumabas ang mga sintomas ng omicron variant sa loob lang ng 2 hanggang 3 araw.
Bagaman sinasabing mild lang ang sintomas na dulot ng omicron, hindi pa rin dapat maging kampante ang publiko, ani Leachon.
Maaari pa rin kasing magdulot ng problema ang bagong variant sa mga hindi pa nababakunahan, matatanda at comorbid o may ibang sakit.
"Papaano kung kayo ay unvaccinated at matanda at may comorbid condition? Ganoon din ang kalalabasan niyan. Eventually, mag-pneumonia din kayo kung tumagal din ang paghihirap ng paghinga niyo," aniya.
Posible rin umanong magdulot ng pagbaba ng oxygen level ang omicron variant.
Dahil halos pareho ang sintomas ng COVID-19 at trangkaso, ipinayo rin ni Leachon tratuhin nang COVID-19 ang isang pasyenteng nagpapakita ng "flu-like" symptoms.
Sa ngayon, 14 na kaso ng omicron variant ang nade-detect sa Pilipinas, na sa kabuuan ay nakapagtala na ng 2.8 milyong kumpirmadong kaso ng COVID-19.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.