Paano tuturuan ang bata na maging mahilig sa pagbabasa?

ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2019 12:44 PM | Updated as of Nov 05 2019 01:13 AM

Mahalagang turuan ang bata ng pagbabasa dahil natuturuan sila nito ng kritikal na pag-iisip at nabibigyan sila ng mas malalim na pag-unawa sa mundo, ayon sa eksperto.

Ayon kay Nong Diaz, isang guro at eksperto sa reading education at early childhood education, ang "ultimate goal" sa pagturo sa mga bata ng pagbabasa ay para sila ay maging mga mapanuring mambabasa.

Ang isang mapanuring mambabasa ay may kakayahan umanong iugnay ang kaniyang binabasa sa kaniyang sarili at sa mundong ginagalawan niya.

"Dapat maugnay ng bata 'yong binabasa niya sa sarili, sa ibang babasahin, at maugnay niya ang binabasa sa malaking mundo, sa kinagagalawan niya," ani Diaz sa programang "Sakto" ng DZMM.

Pero isa sa mga suliraning kinahaharap ng mga magulang ay kung paano matuturuan ang kanilang mga anak na maging mahilig sa pagbabasa.

Ayon kay Diaz, habang nasa sinapupunan pa lang ay maaari nang kuwentuhan ng mga magulang ang bata.

"Kuwentuhan niyo lang araw-araw. Isang libro araw-araw. Kahit baby pa siya, kahit maliit pa, basta kuwento araw-araw," aniya.

Magandang simula raw para sa mga bata ang magbasa ng mga babasahing may mga larawan, gaya ng komiks, dahil madalas ay natatakot sila sa mga babasahing panay titik lang.

"Basta pa rin nagbabasa pero kumbaga tutulungan mo siyang abutin 'yong puro print lang kapag handa na siya," ani Diaz.

Iginiit din ni Diaz na may mabuti ring dulot ang teknolohiya at gadgets sa pagbabasa ng bata.

Ang mga gadget kasi, ayon kay Diaz, ay maaaring maglaman ng maraming babasahin kumpara sa pagdalhin ang bata ng napakaraming pisikal na libro.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.