PatrolPH

ALAMIN: Obligasyon ba ng anak ang pag-aalaga sa tumatandang magulang?

ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2019 07:22 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Parte na ng kulturang Pinoy ang pagtanaw ng utang ng loob ng anak sa kaniyang mga magulang lalo na sa pagtanda ng mga ito. 

Pero obligado nga ba ang anak na alagaan ang kaniyang magulang kapag nagkaedad na?

Para sa isang family life and child expert, mas nakatuon dapat ang pansin ng anak sa kaniyang kinabukasan at magiging pamilya. 

Ito ay para hindi na rin niya kailangang obligahin ang magiging anak na mag-alaga sa kaniya pagtanda. 

"Ngayon kasi parang ang nangyayari it's just equating it to money, when iba-iba dapat ang klase ng suporta ng pamilya. 'Pag nag-asawa kayo, ang obligasyon mo is sa asawa mo and sa pamilya niyo," ani Tina Zamora sa "Sakto" nitong Biyernes. 

Mainam para sa magulang na alagaan at turuan nang mabuti ang anak para kusa itong magbigay sa kaniya, ayon kay Zamora. 

"If you raised your children well, they are generous, they are helpful, they will remember [what you did for them]," ani Zamora. 

Maaalalang nagpanukala si Sen. Panfilo Lacson na parusahan ang mga anak na mag-aabandona sa kanilang mga magulang na matanda na o may sakit. 

Pero para kay Zamora, baka magdulot pa ng mas malaking gusot sa pamilya ang pagkakaroon ng naturang batas. 

"With this bill nakikita kong problema, pag-aawayin mo pa ang pamilya," aniya. 

Para kay Zamora, dapat na lamang padamihin at pagandahin ang mga retirement home ng mga matatanda para matiyak na ligtas sila sa mga naturang institusyon. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.