Paano nagiging ulcer ang simpleng pananakit ng sikmura?

ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2016 04:09 AM

Nakararanas ka ba ng hapdi sa iyong sikmura, lalo na kapag nalilipasan ng gutom? O kaya'y pagkulo ng tiyan?

Marahil iyan ay dahil sa sobrang asido na inilalabas ng katawan kaya humahapdi ang sikmura. Pero paano ba malalaman kung ulcer na pala ito?

Sa panayam kay Dr. Ian Homer Cua ng Hepatology Society of the Philippines sa "Magandang Gabi Dok", inilarawan nito ang peptic ulcer na tila isang uka o malalim na sugat sa bahagi ng sikmura. 

Ito ay tinatawag na gastric ulcer kung ang sugat ay nasa lining ng sikmura; habang duodenal ulcer naman ang tawag kapag ang sugat ay nasa unang bahagi ng small intestines o duodenum.

Ayon kay Cua, may dalawang dahilan na maaaring pagmulan ng ulcer: una ay ang bacterial infection na Helicobacter pylori (H. Pylori); at ang pangalawa ay ang madalas na pag-inom ng anti-inflammatory drugs kagaya ng pain relievers.

"'Yung common na dahilan kung bakit nagkakaroon ng ulcer sa Pilipinas ay 'yung tinatawag natin na Helicobacter pylori. Isa itong bacteria na puwedeng magsurvive (sa asido). Remember ang acid sa stomach natin is a protective mechanism ng katawan, however, itong pylori, puwedeng magdevelop once magkaroon ng infection. Puwede itong magdevelop muna ng gastritis, o 'yung pamamaga sa lining ng stomach. Eventually, pwede ito magdulot ng ulcer," paliwanag ni Cua.

Dagdag pa niya, ang H. Pylori ay nakukuha sa mga infected na pagkain o inumin, at maaari itong mailipat mula sa tao sa tao. 

Bukod sa bacteria, ang madalas na pag-inom ng anti-inflammatory drugs kagaya ng pain relievers at aspirin ay posible ring magdulot ng disruption sa sikmura.

"Karamihan sa atin madalas umiinom ng pain relievers kapag masakit ang katawan. But you have to remember kasi kung how often sila uminom, 'yung duration. Puwede rin 'yun magcause ng ulcer dahil puwede ito magdisrupt ng lining ng stomach or small intestines," paliwanag ni Cua

Kaya payo ni Cua, gawing tama at huwag sobrahan ang pag-inom ng anti-inflammatory drugs.

SINTOMAS NG ULCER

Ilan naman sa mga sintomas ng ulcer ay gastritis o pamamaga ng sikmura, bloatedness, discomfort sa gitnang bahagi ng itaas ng sikmura, at paulit-ulit na pananakit ng tiyan.

Madalas nakararanas ng masakit na pakiramdam sa sikmura dahil exposed ang sugat sa asido. Nararasanan ito pagkatapos kumain.

Mas kailangang din maging mapagmatyag ng mga tao na may edad 45 pataas sa mga ganitong sintomas. Dagdag din sa mga sintomas ang malaking kabawasan sa timbang, walang ganang kumain, problema sa paglunok, pagsusuka ng dugo, pagdumi ng maitim na dumi o dugo. 

Sa oras na maranasan ang mga ito, huwag nang mag-atubili pang magpatingin sa doktor.

Dahil kapag masyado nang malalim ang ulcer, posible itong magdulot ng butas sa sikmura o small intestines, o ang tinatawag na perforation. Ito ay magdudulot ng pagbabara, at kapag patuloy ang pagdurugo sa ulcer ay posible itong magbunsod sa pagkamatay.

"Kung hindi naagapan 'yung bleeding coming from peptic ulcer, kadalasan ito rin ang sanhi ng ikamamatay ng pasyente," ani Cua.

Kaya naman paalala rin ni Cua na iwasan ang palaging paggagamot sa sarili o self-medication, at kumonsulta sa doktor sa oras na maranasan ang ilan sa mga nabanggit na sintomas upang makasiguro.