ALAMIN: Paggawa ng homemade mosquito repellent

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2019 02:43 PM

Isa ang dengue — na dala ng lamok — sa mga sakit na madalas kumalat tuwing tag-ulan, ayon sa Department of Health (DOH). 

Bukod dito, ikinababahala rin ng kagawaran ang mabilis na pagdami ng mga kaso ng nasabing sakit sa iba-ibang bahagi ng bansa, dahilan para magdeklara sila noong nakaraang buwan ng national dengue alert.

Sa programang "Salamat Dok," itinuro ng naturopathic expert na si Dr. Cecile Lucentales ang paraan ng paggawa ng mosquito repellent, o iyong mga pantaboy sa lamok, gamit ang mga sangkap na abot-kaya o madaling makuha sa kapaligiran.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Lucentales, kabilang ang mga sumusunod sa mga sangkap ng mosquito repellent:

  • Garlic o bawang
  • Basil
  • Lemongrass o tanglad
  • Citronella 
  • Neem tree
  • Tubig
  • Virgin coconut oil

"May mga kanya-kanyang amoy 'yan na ang mga lamok ay takot na lumapit sa kanila," ani Lucentales.

Kailangan lamang umano dikdikin ang bawang, basil, tanglad, citronella o neem tree bago i-ferment o ibabad ng 21 araw sa virgin coconut oil.

Makaraan ang 21 araw, alisin ang ibinabad na bawang o halaman, pigain at itapon ang sapal, ani Lucentales.

Maliban sa virgin coconut oil, puwede rin daw ihalo ang mga nasabing sangkap sa tubig.

Puwedeng i-spray sa katawan ang repellent ng 3 hanggang 5 beses kada araw.

Nasa 115,986 kaso ng dengue na ang naitala ng DOH Epidemiology Bureau mula Enero 1 hanggang Hulyo 6 ngayong taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.