Pagiging 'choosy' ng bata sa pagkain, paano reremedyuhan?

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2019 01:05 PM | Updated as of Jul 09 2019 01:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

May mga maaaring gawin ang mga magulang para masolusyonan ang problema sa pagiging "choosy" o mapili ng anak sa pagkain partikular na sa gulay at iba pang mga masustansiyang pagkain, ayon sa isang nutritionist.

Ayon kay Jessica Ross Perez sa programang "Sakto" ng DZMM, may mga paraan para mapakain ng partikular na pagkain ang anak.

Una aniya ang pagre-reintroduce o muling pagpapakilala sa bata sa naturang pagkain matapos ang ilang panahon.

"For example kumain siya ng itlog noong 4 years old, ayaw niya, na-reject niya. Puwedeng pagdating ng 5 years old puwede mo ulit i-try yung itlog kasi baka magbago na yung perception niya sa itlog," aniya.

Kung ayaw pa rin ng anak ay maaaring ibahin ang paraan ng pagluluto nito, gaya ng paghalo nito sa kanin.

"Puwede namang scrambled o kaya i-input mo siya or ihalo sa pagkain. Kailangang i-disguise kasi 'yung bata magaling maghalungkat ng pagkain," aniya.

Ibinahagi rin ni "Sakto" host Amy Perez-Castillo ang kaniyang karanasan na masubukang pakainin ng gulay ang kaniyang anak.

"Sinama ko na sa rice, tinadtad ko na nang pagkaliit-liit, kunyare yung broccoli 'yung cauliflower tinatadtad ko na, tapos lalagyan mo na ng butter pang-disguise talaga at pampalasa, alam pa rin ng bata," aniya.

Ayon naman kay Perez, maaari namang ihalo ang gulay sa karne gaya ng paggawa sa mga burger patty o lumpia bago iluto para hindi mapansin ng bata na may halo itong gulay.

"Ang gusto lang natin ay magkaroon ng lasa lang para sa bata," ani Perez.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.