Pagkalulong sa sugal, hindi iba sa ‘drug addiction’: eksperto | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Pagkalulong sa sugal, hindi iba sa ‘drug addiction’: eksperto

Pagkalulong sa sugal, hindi iba sa ‘drug addiction’: eksperto

ABS-CBN News

 | 

Updated Jun 06, 2017 03:26 AM PHT

Clipboard

Lulong sa sugal kung isalarawan si Jessie Carlos, ang gunman na lumusob, nagpaputok ng baril, nanunog at nagbaril sa sarili nitong Biyernes, Hunyo 2 sa Resorts World Manila.

Ayon sa isang clinical psychiatrist, walang pagkakaiba ang taong lulong sa sugal sa isang taong droga naman ang bisyo.

Pareho lang kasi ang tumatakbo sa utak nila—kung paano matutustusan ang kanilang kinaaadikan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, umabot na sa puntong nagbenta na ng mga ari-arian at sasakyan si Carlos para masustentuhan ang pagsusugal.

ADVERTISEMENT

Nagkalamat na rin ang relasyon ni Carlos sa misis at mga magulang dahil sa kaniyang pagsusugal.

Aminado ang pamilya ni Carlos na ang pagkalulong sa sugal ang sumira sa buhay nito.

Posibleng tumindi raw ang poot na kinikimkim ni Carlos nang hilingin ng kaniyang mga kaanak na bawalan siya ng mga casino na makapaglaro, ayon kay Dr Bernadette Arcena, na isang psychiatrist.

Kung naagapan ang pagkalulong ni Carlos, marahil hindi umabot sa puntong lulusob na siya sa isang casino, sabi pa ni Arcena.

Dagdag pa ni Arcena, mistulang normal lang ang kilos ng isang sugarol pero sa loob niya’y desperado na siya. Posibleng iniisip daw ni Carlos na wala na siyang makakapitan sa pinagdadaanan kaya kalauna’y tinapos niya rin ang sariling buhay.

Ayon kay Dr Honey Carandang, isang psychiatrist, naging desperado si Carlos, at maaaring narating na nito ang katapusan.

Ayon pa kay Carandang, walang pisikal na senyales at normal lang ang mga gawi ng mga lulong sa sugal.

Kasabay naman ng paghingi ng tawad ng mga magulang ni Carlos sa mga biktima ng pag-atake, pinayuhan din nila ang iba pang magulang na ilayo ang mga anak sa pagsusugal.

Ayon sa mga eksperto, mahalagang kapag napansin na nag-uumpisang malulong sa sugal ang isang kapamilya, kausapin na siyang tumigil o kaya’y idulog sa isang counselor.

Muli namang nanindigan si Archbishop Emeritus Oscar Cruz na salot sa lipunan ang pagsusugal, mapa-jueteng man daw sa barangay o iyong mga nilalaro sa malalaking casino.

-- Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.