GENEVA - Itinanghal sa isang exhibit sa Switzerland ang mayabong kultura ng mga katutubong Pilipino sa permanent mission ng Pilipinas sa United Nations at iba pang International Organizations sa Geneva nitong April 19 hanggang 20.
Bahagi ng Information Education Campaign (IEC) ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang exhibit. Ibinida ang coffee table books at mga larawan ng ‘Project Epanaw’ at iba pang mga latlahalain tungkol sa kasaysayan, kaugalian, sining at tela ng Indigenous Cultural Communities and Indigenous Peoples (ICCs/IPs) sa buong kapuluan ng Pilipinas.
Si Permanent Representative Evan Garcia (kaliwa) at Deputy Permanent Representative Kristine Leilani Salle (kanan) sa pagsisimula ng exhibit tungkol sa mga katutubong Pilipino. Kasama sa larawan si NCIP Chairperson Allen Capuyan (gitna). Geneva PM
Layon ng ‘Project Epanaw’ ng NCIP na maipakilala, mabigyan ng proteksyon at respeto ang mga katutubong Pilipino. Ang IEC booth/exhibit ay itinanghal sa lobby ng Philippine Chancery para sa Filipino Community at iba pang mga bisita ng Philippine Permanent Mission nitong buong buwan ng Abril.
Layon ng NCIP na mapagtibay pa ang kanilang mga diyalogo sa UN upang malabanan ang racial discrimination sa buong mundo.
Ibinigay ni NCIP Chairperson Allen Capuyan kay Permanent Representative Evan Garcia ang isa sa coffee table books. Geneva PM
Ayon sa United Nations Development Programme (UNDP), may 14 hanggang 17 milyong Indigenous Peoples (IPs) sa Pilipinas na kabilang sa 110 ethno-linguistic groups.
Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Switzerland, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.