Rody Vera, umaasa sa muling pagbubukas ng tanghalan | ABS-CBN

ABS-CBN Ball 2025:
|

ADVERTISEMENT

ABS-CBN Ball 2025:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Rody Vera, umaasa sa muling pagbubukas ng tanghalan

Rody Vera, umaasa sa muling pagbubukas ng tanghalan

Totel V. de Jesus

Clipboard

Rody Vera. Photo from KWF courtesy of Rody Vera
Rody Vera. Photo from KWF courtesy of Rody Vera

MAYNILA -- Matapos ang dalawang taong sunod-sunod na mga lockdowns dahil sa pandemyang COVID-19, inaasahang magbubukas muli ang tanghalang pang-teatro sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas o Cultural Center of the Philippines.

Ito ay mangyayari sa ika-17 taon ng Virgin Labfest, ang taunang festival para sa mga mandudula at sa kanilang mga bagong obra o dati pang nasulat pero hindi pa naisasadula.

Ang Virgin Labfest ay karaniwang ginagawa sa huling linggo ng Hunyo at natatapos sa pangalawang linggo ng Hulyo. Ngayon ito ay magaganap mula ika-16 hanggang ika-26 ng Hunyo sa CCP. Matapos ang dalawang taong ginanap sa streaming platforms ang festival, bubuksan sa mga manunuod ang Tanghalang Huseng Batute o CCP Studio Theater na may kapasidad na 220.

Noong 2005 sinimulan ang Virgin Labfest nina Herbie Go, dating artistic director ng Tanghalang Pilipino, at ni Rody Vera, ang batikan at premyadong manunulat ng dula at pelikula.

ADVERTISEMENT

Simula nang nag-migrate at nanirahan sa New York si Go halos isang dekada na ang nakaraan, si Vera ang nangasiwa ng VLF katulong ng iba pang mga batikang mandudula. Si Vera ang nagbabasa ng mga entries taon taon, walang palya, sa halos umaabot ng mahigit 200 entries para piliin ang 12 na dula para itanghal sa VLF ng partikular na taon.

Noong 2020, sa kasagsagan ng pandemya at lockdowns, ang VLF ay nagpatuloy pero lahat ng mga pinalabas ay mga dulang ginawa na parang maikling pelikula. Lahat ng mga ito ay pinalabas online ng libre sa unang linggo ng festival sa opisyal na Facebook page ng VLF at Tanghalang Pilipino. Naging video-on-demand ang format sa pangalawa at pangatlong linggo gamit ang Vimeo.

Ganoon pa man, ang VLF na ginanap online ay makasaysayan dahil nanguna ito sa buong Asya.

Noong 2021, napag-desisyunan ng festival organizers na magpalabas online ng mga archival works ng VLF. Ito ay dahil sa masusing pag-iingat para maiwasan ang pagkakasakit ng mga aktor, directors, cameramen at iba pang myembro ng produksyon. Hindi na tinuloy ang “plays-shot-like-films.”

Maganda na rin ang nangyari dahil napanood ng mga tagasunod ng VLF ang mga pinakamagagaling na dula ng nakaraang dekada. Kumbaga, parang lahat ng napanood nila ay nasa Revisited Set o Set E.

ADVERTISEMENT

Ang VLF ay may limang grupo na may tig-tatlong maikling dula. Kung ang Set A, B, C at D ay mga bagong dula lahat, ang Set E ay ang tatlong pinaka-popular na dula mula sa nakaraang taon.

Higit pa sa pagbibigay ng oportunidad sa mga baguhang mandudula, ang VLF ay nagbibigay rin ng break sa mga baguhang direktor para sa entablado.

Ang VLF ay ginaganap sa pakikipagtulungan ng grupo ng mga mandudula na kung tawagin ay The Writer’s Bloc at ng Tanghalang Pilipino, ang resident theater company ng CCP, at ng CCP mismo.

Ang VLF 17 sa taong ito ay may titulong “Hinga.”

Para malaman natin ang magaganap sa pagbubukas ng “VLF 17: Hinga” sa Hunyo, ating nakadaupang-palad si Vera. Narito ang sipi ng ating panayam sa kanya.

ADVERTISEMENT

Q: Now po, may linaw na kahit papano na magbubukas na ang entablado. Gaano po kayo ka excited bumalik sa CCP at manood ng VLF. Or may apprehension pa rin?

RV: “Of course, lahat kami excited. Pero may pangamba ring baka hindi kasing excited na manood sa loob ng theater ang mga manonood. Ang ilan sa mga involved ay medyo cautious pa rin at hindi rin naman natin maiiwasan 'yun, kailangang tanggapin kasi hindi rin naman officially nag-announce ang COVID na wala na siya. Mayroon pa ring mga balita na baka magkaroon ng major surge sa June, which runs smack into the actual festival. Sana naman hindi.

“Pero sa ngayon, ang mode namin ay tuloy. At nagsisimula nang mag-rehearse ang karamihan sa mga entries.”

Q. “Paano po ang ginawang selection for this year's VLF? Kasi 'di ba mayroong pinalabas noong 2020 na purely online and shot like films. Kindly refresh my memory kung meron pong sinama for this year's live performances or totally bago lahat?”

RV: “VLF 16 had two opportunities: 2020 and 2021. The first year naipalabas ang karamihan sa mga napiling plays pero lahat ito ay nasa Zoom format. May tigalawang live streaming shows (on Zoom). The second opportunity (2021) binalak naming i-stage ang lahat ng napiling plays (all 12) pero sa kasamaang palad hindi na kinaya. Ang nagawa na lamang noong November 2021 ay magpalabas ng mga previous productions of VLF, including chosen Zoom productions of the previous year.

“Ngayong taon, we have decided to have a new lineup of plays na galing sa submission call noong 2020. Hindi namin kayang itanghal ang mga ito kasama ang 2020 Zoom productions sa i-isang festival. Walang budget para doon.

“Pero, 10 lang ang pinili namin from the submissions of 2020. Ang dalawang slots ay inilaan namin para sa dalawang dulang napili para sa VLF 16. Ito ay ang: ‘Bituing Marikit’ ni Bibeth Orteza at ‘Nay May Dala Akong Pansit’ ni Juan Ekis. Ang dalawang ito ay hindi naitanghal noong 2020, kahit sa Zoom format.”

ADVERTISEMENT

Q. So, wala na pong plan if ever to stage those 2020 performances sa live theater?

RV: "Sa ngayon wala pa. Hopefully kung may pagkakataon, sana."

Q. Sino po pala kasama n'yo sa selection ng plays this year? And ilan po nagsubmit and how did you trim the choices?

RV: “Noong 2021, nakapag-shortlist na kami ng 20 dula mula sa submission call 2020. Sa kasamaang palad, pumanaw si JK Anicoche bago pa nakapili ng final 12. Sa pagpili ng official 12 plays nitong VLF 17, isinama na ang dalawang bagong festival directors na sina Tess Jamias at Marco Viaña. Apat kaming nagdesisyon ng official lineup: silang dalawa, ako at si Ina Azarcon.”

Q: Isang tanong nabasa ko. Bakit daw po walang Set E?

RV: “Minabuti naming huwag magkaroon ng Revisited Set dahil hindi rin naman fair na pumili ng Revisited Set mula sa VLF 16 kung lahat ay Zoom productions lang ang pagbabatayan pagkatapos i-e-expect silang magpalabas nang live sa stage for this year.”

Q: May mga new and old directors coming back. Well, nabasa ko po sa list sina (TP former artistic director) Herbie Go, (former Actors Company member) Regina de Vera, now both based in New York. Tapos magdi-direk na rin sina (TP present artistic director) Tata Nanding and (TP Actors Company member) Antonette Go. How about the others?

RV: "'Yung iba nag-express na gusto nilang magdirek ng play for VLF. Si Herbie ay welcome na welcome bilang siya ang co-founder the festival na ito. Also, masaya kami dahil makakabalik siya pansamantala para makasali sa festival. Si Nanding naman ay ni-request ng playwright, George Vail Kabristante, para magdirek sa kanyang play. At' yung iba inimbita nina Tess Jamias at Marco Viaña, festival directors."

Q: Maiba po tayo ng konti. Kumusta po pala kayo noong two-year long pandemic? How did you survive those long days of isolation?

RV: “Itong dalawang taon ng pandemic ay naghalo ang lungkot, pangamba, pagka-aburido, buryong, at kawalan ng motibasyon. Sobra akong naapektuhan nang naudlot ang aming produksyon noong Marso 2020 dahil sa simula ng lockdown. Yung ‘The Band’s Visit’ na takda sanang mag-open on the first day of lockdown. Napakalaking dagok sa theater people. Marami akong kilalang nawalan ng pagkakakitaan. Maski ako, kinailangan magtipid dahil tumigil lahat ng mga proyekto. Hanggang ngayon hindi pa rin ito umuusad.

ADVERTISEMENT

“Pumanaw ang aking mahal na ina noong early part of 2021. At bukod doon mga kaibigan, kakilala, mga mahal sa buhay din ang sumakabilang buhay. Hindi lahat dahil sa pandemic pero indirectly na rin dahil ang hirap ding makapasok sa mga ospital sa mga araw na iyon.

“Hanggang nga may pangamba pa rin, siyempre. Marami akong mga kaibigan na matagal ko nang hindi nakikita nang personal. Tamang-tama rin naging senior citizen ako sa panahon ng pandemic.

“Gayumpaman may mga nasulat ako pero lahat ito walang katiyakang maitanghal o maisapelikula. Kung matuloy man, hindi ko alam kung kailan. Nakasulat ako ng isang dula; ang balak ay itanghal ito bandang September pa. But then again, hindi pa rin tiyak na tiyak yun. 'Yung mga nasulat kong screenplay ay nakambimbin lahat, naghihintay ng pagkakataon na muling magiging maluwag na ang paggawa ng pelikula nang hindi gagastos nang napakalaki para lamang sa mga health protocols at makakapag-shoot na ng malaki-laking mga eksena.”

Q. Parang virgins pa rin pala tayong lahat pagbalik sa CCP Huseng Batute after surviving the pandemic. What are your thoughts on the return of live theater?

RV: “Of course hindi pa rin normal ang kalagayan. Pero mas mabuting i-push namin ang limits hanggang sa kakayanin. Napakaraming factors ang dapat isa-isip sa patuloy na paglulunsad ng Virgin Labfest. Hindi lamang pandemic ang nakakapaekto sa teatro. At ang bawat factor na iyan —from political to health concerns, sobrang bilis ng pagbabago ng kalagayan. Sino ang hindi magiging virgin-baguhan sa pagharap ng mga iyan? Maski 'yun, walang tried and tested solution.”

Mabibili na ang festival passes para sa Virgin Labfest 17: Hinga sa CCP Box Office at Ticketworld.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.