PatrolPH

COVID-19 bayanihan: Student officers sa Rizal bumuo ng 'food bank' para sa mga estudyanteng nangangailangan

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2020 12:15 PM

COVID-19 bayanihan: Student officers sa Rizal bumuo ng 'food bank' para sa mga estudyanteng nangangailangan 1
Para makatulong sa mga nangangailangang ka-eskuwela, naisip ng isang grupo ng student council officers sa Rodriguez, Rizal na bumuo ng isang "food bank" na pagkukuhanan ng pagkain. Photos courtesy: Janice Dino Nicolas

MAYNILA - Para makatulong sa mga nangangailangang ka-eskuwela, naisip ng isang grupo ng student council officers sa Rodriguez, Rizal na bumuo ng isang "food bank" na pagkukuhanan ng pagkain. 

Ayon kay Bayan Patroller Janice Dino Nicolas, na isang guro sa paaralan at adviser ng Supreme Student Government ng San Jose National High School, naplano na ito ng grupo noong Hulyo 2019 pa lang at dahil ngayong taon sila nagkaroon ng imbakan ng pagkain ay nasimulan ito noong Pebrero 20, 2020.

"Masasabi ko na may reason kung bakit natuloy ang proyekto namin kasi kakailanganin siya ng ating komunidad," ani Nicolas. 

Ayon kay Nicolas, unang nag-donate ang mga guro, alumni, maging ang ilang estudyante ng pagkain gaya ng mga de-lata, bigas, gatas, at bottled water.

Dagdag pa niya, noong wala pang enhanced community quarantine ay natulungan ng proyektong ito ang ilang pamilya noong may naganap na sunog sa kalapit na barangay. Nakita niya ang halaga nito lalo na ngayong nangangailangan ang ilan ng pagkain dala ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

"Malaking bagay na 'yun na may maitawid sila kahit isa o dalawang araw na makakain," aniya.

Nasa 200 na indibidwal na ang natulungan ng proyekto, at sa darating na Biyernes, Abril 24, ay plano nilang mamigay sa 50 estudyanteng nangangailangan.

"Masaya ang mga student leaders ko na nakakatulong sila, masarap sa pakiramdam, isa sa mga magagandang experience nila bilang student leaders."

Layunin nila na mapansin ng lokal na pamahalaan para maging opisyal ang pagi-imbak ng pagkain sa food bank at may matatakbuhan ang mga tao sa oras ng krisis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.