'Piliin gumawa ng mabuti': Ice cream vendor ipinamigay ang tinda sa Community Pantry | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

'Piliin gumawa ng mabuti': Ice cream vendor ipinamigay ang tinda sa Community Pantry

'Piliin gumawa ng mabuti': Ice cream vendor ipinamigay ang tinda sa Community Pantry

Josiah Antonio,

ABS-CBN News

 | 

Updated Apr 22, 2021 01:06 PM PHT

Clipboard

Larawan mula kay Melynn Alipio Limjap

MAYNILA (UPDATE) — Naantig ang puso ng publiko sa isang sorbetero na namigay ng libreng ice cream sa isang community pantry sa Barangay 136, Pasay City nitong Miyerkoles.

Lubos ang pasasalamat ng nangangasiwa sa stall na si Melynn Alipio Limjap dahil sa kusang loob ng lalaki na mamigay sa kanilang komunidad.

“Dumating si manong ice cream, ang akala ko ay magtitinda s'ya. Biglang sabi, "Libreng ice cream,” kwento nito sa kanyang Facebook post.

“May konting pantawid sa araw na ito, may pa-ice cream pa! Nakakataba ng puso. Kahit alam natin na si Manong tindero ay may pangangailangan din, kusa parin silang nagbibigay,” dagdag pa niya.

ADVERTISEMENT

Kwento naman ng tinderong si Pastor Elmer Sarenas Leal, simpleng pamamaraan niya lamang ito para maipadama ang pagmamalasakit sa kapwa.

May tatlong anak si Sarenas at ang asawa nitong housewife. Umaasa ang dalawa nitong nasa kolehiyo at bunsong nasa ika-6 na baitang sa kitang P500 kada araw sa paglalako ng ice cream kasabay ng pagseserbisyo sa simbahan.

Aniya, hindi dapat hadlang ang kahirapan sa pagtulong sa kapwa lalo na sa ating kinakaharap na pandemya.

“Bunsod ng tunay na pagmamalasakit sa kapwa maaaring maipadama sa iba sa simpleng paraan,” kwento ni Sarenas sa ABS-CBN News sa isang interview.

Ayon kay Sarenas, masaya siya na maraming nagsasakripisyo na magtayo ng mga community pantry para makatulong sa kapwa.

Hindi masusuklian ang mga ngiti ng mga taong nabigyan ng matamis na pampalamig sa gitna ng sikat ng araw, aniya.

“Sobrang kagalakan po sa simpleng sakripisyo maraming natuwa at may mga na-challenge na gumawa din ng mabuti sa kabila ng hindi ako mayaman sa salapi kundi mayaman ako sa kabutihan,” ani Sarenas.

“Napakabuti ng community pantry kasi dito mai-apply ang pagtulong na walang pinipili o itinatangi dahil ito ang kalooban ng Diyos maging ang pagdadamayan sa isa’t isa.

Dagdag pa ng pastor, masaya siya at maraming naantig sa kanyang kwento.

“Sobrang kagalakan po nag-uumapaw halos lahat ng makakita sa akin kanina tumatawa po,” aniya.

“Sa mahirap at maginhawang sitwasyon ng ating buhay mas piliin natin na gumawa ng mabuti dahil lahat ng ginagawa natin ay may kagantihan mula sa Diyos. Hindi natutulog ang Diyos, sa kanya po tayo umasa at magtiwala.”

Sa mga nais magpaabot ng tulong maaaring sumangguni sa numero at GCash ni Pastor Elmer sa 09453303110.

Sa kabila ng red-tagging, lampas 300 community pantry na ang naitayo sa buong Pilipinas na layuning makatulong sa kapwa sa gitna ng pandemya.

KAUGNAY NA ULAT:

Watch more in iWantv or TFC.tv

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.