Suplay ng relief goods sa Laguna, Marikina nadugtungan ng 'Pantawid ng Pag-Ibig' campaign | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Suplay ng relief goods sa Laguna, Marikina nadugtungan ng 'Pantawid ng Pag-Ibig' campaign

Suplay ng relief goods sa Laguna, Marikina nadugtungan ng 'Pantawid ng Pag-Ibig' campaign

ABS-CBN News

 | 

Updated Apr 15, 2020 11:00 AM PHT

Clipboard

Kasama sa natulungan ang lokal na pamahalaan ng Laguna, na hinatiran ng nasa 1,000 sako ng bigas at delata ang nahatid pa ng kampanya para maayudahan ang mas maraming pamilya. ABS-CBN News

Nasa isang buwan na ang ipinatupad na enhanced community quarantine--na nangangahulugang bumibigat na rin ang responsibilidad ng mga lokal na pamahalaan, lalo na't napalawig pa ang quarantine hanggang Abril 30 para matiyak ang pagpigil ng pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Kaakibat nito, patuloy na umaagapay ang "Pantawid ng Pag-ibig" campaign ng ABS-CBN para matulungan ang mga lokal na pamahalaan na matiyak na walang pamilyang magugutom habang ipinapairal ang quarantine.

Kasama sa natulungan ang lokal na pamahalaan ng Laguna, na hinatiran ng 1,000 sako ng bigas at delata para maayudahan ang mas maraming pamilya.

Ayon kay Gov. Ramil Hernandez, sakto ang pagdating ng suplay ngayong ang natira nilang relief goods ang huling batch na inabutan ng kanilang calamity fund.

ADVERTISEMENT

"Ngayon po ang last day ng delivery namin sa barangays. Itong dala niyo sa ABS-CBN, ire-repack po natin ito para dagdag na tulong sa iba pang kalalawigan na nangangailangan. Bukas starting na ng repack nito, so estimate, 3 days repacking, sa 4th day, ipapa-distribute na rin natin ito,” ani Hernandez.

Lubos ang pasasalamat ng lokal na pamahalaan sa mga tauhan nitong walang takot na pumapasok sa kabila ng pangamba sa COVID-19 para umalalay sa pamimigay ng relief goods.

"Hindi namin kakayanin ni [Governor Hernandez] ito, kung wala ang tulong ng mga kawani... Sobra sa oras, nagre-repack, overtime, para lang maihatid ang food packs sa ating mamamayan na nangangailangan,” ani Laguna 2nd District Rep. Ruth Hernandez.

Samantala, nahatiran din ng tulong na food packs at ilang delata ang Marikina City na may lamang bigas. Nagpaabot din ng mga delata ang ABS-CBN.

Kabilang sa mga nabigyan ng tulong ang grupo ng 30 construction worker sa Barangay Jesus Dela Peña na hindi makauwi ng probinsiya magmula noong magsimula ang quarantine.

Anila, wala pa ang kanilang sahod, at hirap sila sa suplay ng pagkain.

"Minsan ulam namin kumukuha na lang kami ng kulitis diyan sir iyon nalang inuulam namin kasi wala nga talaga eh," ayon kay Ramil Gunayan, isa sa mga construction worker.

Ayon kay Ariel Lazaro, kapitan ng barangay, mapapaabot nila ng tulong ang mga naiiwan ngayon sa Marikina, residente man o hindi.

"Hindi pinag-uusapan dito kung saan ka botante, as long as naiwan ka sa loob ng Marikina, tutulungan ka, sabi nga, dito dapat walang maiiwan walang mapapabayaan," ani Lazaro.

Aminado si Marikina City mayor Marcy Teodoro na maliit lang ang budget ng kanilang lokal na pamahalaan kumpara sa ibang siyudad. Pero giit niya, hindi ito hadlang para matulungan ng lokal na pamahalaan ang kanilang mga kinasasakupan.

Nagpapasalamat ang ABS-CBN sa iba pang mga naging partner ng proyektong ito:

  • Champion Detergent
  • Coca-Cola
  • Colgate Palmolive
  • Great Taste 3-in-1
  • Hana Shampoo
  • Kopiko
  • Ligo Sardines
  • Quick Chow Noodles
  • Mega Sardines
  • Rebisco
  • Safeguard
  • CDO Foodsphere
  • International Pharmaceuticals incorporated
  • Lucky Me

Nananawagan ang ABS-CBN sa publiko para sa cash donations, na gagamitin para ipambili ng pagkain at basic necessities ng mga nawalan ng kita at hindi makapaghanapbuhay dahil sa quarantine.

— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.