PatrolPH

2D art ng isang cafe sa Bulacan, patok sa social media

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2021 06:21 PM | Updated as of Mar 23 2021 06:57 PM

Watch more on iWantTFC

Nag-trending kamakailan sa social media ang mga retrato ng 2D art sa isang cafe sa Bulacan. 

Nasa likod ng obra sa Komiks 2D Art Cafe si Ralph Pangilinan, isang batang visual artist.

Sa panayam sa programa ng ABS-CBN na "Swak na Swak," sinabi ni Pangilinan na hindi niya inasahang magiging patok sa social media ang kanyang bagong proyekto.

Tila parang nasa loob ng isang coloring book ang mga bisita at mamimimili sa Komiks 2D Art Cafe dahil sa makulay nitong mural. 

"Gumawa ako ng isang mural painting na talagang kapag nag-picture po sila doon ay parang nasa loob sila ng drawing o coloring book," ani Pangilinan.

"Hindi ko po expected 'yon na papatok siya nang husto, pero ginagawa ko lang po talaga 'yung best ko sa mga project ko," dagdag niya.

Ang trending na 2D art ay nagbukas ng maraming pinto para kay Pangilinan, na aminadong nararanasan din ang hirap na dulot ng pandemya.

Aniya, patuloy siyang nag-iisip ng iba't ibang paraan ng paggamit ng kanyang talento sa sining upang kumita.

Ngunit sa kabila ng mga pagsubok, 'di pa rin nakakalimutan ni Pangilinan na tumulong sa kanyang komunidad dahil nagbibigay siya ng libreng art workshop sa mga kabataan.

"Mas maganda po kung nashe-share po 'yung talent natin sa community, lalo na sa kabataan. Malay natin ay balang araw 'yung isa sa mga naturuan natin maging National Artist pala," aniya.

Related video:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.