PatrolPH

400,000 food packs ipapamahagi ng Pasig sa mga pinakasapul sa COVID-19 quarantine

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2020 04:36 PM

MAYNILA - Magpapamahagi ng aabot sa 400,000 food packs ang lokal na pamahalaan ng Pasig para sa mga matinding tatamaan ng itinakdang enhanced community quarantine sa bunsod ng novel coronavirus (COVID-19) outbreak. 

 

Maglalaman umano ito ng 3 kilong bigas, 2 latang sardinas, 2 latang corned beef, 2 latang corned tuna at 2 latang meat loaf, batay sa Facebook post ng alkaldeng si Vico Sotto. 

"Tulong po ito ng lokal na pamahalaan sa mga nangangailangan, lalo na't marami ang hindi nakakapagtrabaho ngayong community quarantine," ani Sotto. 

Hihingi ng tulong ang lokal na pamahalaan sa pagpapamahagi ng nasabing food packs. 

Ayon kay Sotto, inaasahan nila na pagdating ng Biyernes, Marso 20 ay maihahatid na nila ang food packs. 

Nanawagan din siya na makipagtulungan at sumunod sa patakaran ng quarantine para mas mabilis na maagapan ang COVID-19 outbreak. 

Sa ilalim ng nasabing quarantine, wala munang pampublikong sasakyan o mass transport.

Kasabay nito, suspendido ang pasok sa eskuwela at trabaho maliban sa ilang sector, ipinagbabawal ang mga pagtitipon, at dapat manatili muna sa bahay ang publiko upang hindi na kumalat pa ang COVID-19. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.