Harana, rosas, kasalan: Iba-ibang pagdiriwang ng Valentine's Day

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2019 09:53 PM

Kani-kaniyang diskarte ang mga Pilipino sa paghayag ng pagmamahal ngayong Araw ng mga Puso o Valentine’s Day sa kanilang mga mahal sa buhay. 

Dinagsa ang Dangwa Flower Market sa Maynila noong umaga ng mga nais bumili ng mga bulaklak para sa kanilang mga mahal sa buhay. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagpamigay ng kendi ang Eastern Police District sa mga pasahero ng MRT-Boni station. Pinangunahan ito ni PO1 William Cristobal, na magugunitang sinabuyan ng taho ng Chinese national na si Jiale Zhang noong Sabado.

Hinarana naman ng iba pang tauhan ng EPD ang mga pasahero habang may iba na namigay ng mga kendi. May blood pressure monitoring area rin para sa mga pasahero.

Ganito rin ang pakulo ng kapulisan ng Quezon City Police District Station 7 sa MRT Cubao Station kung saan hinarana at naghandog sila ng dance number sa mga pasahero. 

Pinaarangkada naman ng LRT1 ang taunan nilang love train, na may French, Spanish, at Pinoy cafe theme. May mga tula, bulaklak, at maaari ring mag-iwan ng love notes. 

Tampok din ang iba’t ibang hugot lines sa mga istasyon ng LRT. 

Nagpakilig din ngayong Valentine's ang isang transport network company kung saan puwedeng manghiram ng isang "bae" ang kompanya sa pamamagitan ng kanilang app. 

Watch more in iWant or TFC.tv

"Color-coded" na Valentine’s naman ang tampok sa Naujan, Oriental Mindoro kung saan pinagsuot ng iba’t ibang kulay ng t-shirt ang mga kawani ng Mayor's Office base sa kanilang relationship status. 

Inimbitahan naman para maki-mingle ang mga walang karelasyon sa isang blind date, sa pamamagitan ng isang larong Cordillera na “sang-gol” o arm wrestling tournament sa nasa 20 pares para makuha ang kanilang "date." 

Uso rin tuwing Valentine’s Day ang mga mass wedding o malawakang kasalan. 

Nagkaroon ng libreng beach wedding sa mga magkasintahan sa Puerto Princesa kasabay ng pagtatanim ng mga mangrove at beach trees. 

Tampok naman sa mass wedding sa Libungan, North Cotabato ang pag-iisang dibdib ng 67 anyos na si Dioscoro Manos at 78 anyos na si Crisencia. 

Kuwento ni Dioscoro, nahumaling siya sa kaniyang napangasawa. 

Sabay-sabay namang ikinasal ang 27 pares sa Malvar, Batangas kung saan may libreng cake, wine, at romantic background music.

-- Ulat nina Kori Quintos, Jacque Manabat, Micaella Ilao, Rex Ruta, at Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.