Bawi ang gastos: Bagong kasal nakalikom ng higit P600,000 sa 'prosperity dance'

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2020 05:50 PM | Updated as of Jan 29 2020 07:59 PM

Hindi inakala ng bagong kasal na sina Jay Alvin at Kastiene Milagrosa na mababawi ang kanilang gastusin sa kasal sa isinagawang prosperity dance, na viral ngayon sa social media. Photo courtesy: Ernie Balili

MAYNILA - Parte na ng tradisyon sa kasalan ang pagsagawa ng prosperity dance kung saan nagdidikit ng mga salapi ang mga panauhin sa damit ng couple bilang simbolo ng pagsisimula ng kanilang buhay may-asawa. 

Pero hindi inakala ng bagong kasal na sina Jay Alvin at Kastiene Milagrosa na makakalikom sila ng daan-libong piso sa kanilang prosperity dance. 

Nag-viral sa social media ang retrato ng mag-asawa sa kanilang kasal noong Enero 22, kung saan sinasabing nakalikom sila ng P629,000. 

Para sa mag-asawa, hindi nila inakalang mababawi agad ang ginasta nila sa kasal. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Aminado ang mag-asawa na humarap sila sa pagsubok sa pagplano ng kasal.

Naghanap kasi sila ng petsa kung saan makadadalo ang lahat ng kanilang mahal sa buhay. 

Nagpasalamat sila sa mga namahagi ng pera sa nasabing sayaw. Malaking bahagi nito ay nakuha nila sa kanilang mga magulang. 

"Happy, grateful, and blessed kaming lahat sa lahat ng blessings na ibinigay ni Lord... Makatutulong ito sa pagsisimula ng new chapter of our life together," ani Kastiene. 

Nagpasya ang mag-asawa na i-deposit agad ang nakuhang salapi sa bangko at humingi rin sila ng gabay sa mga magulang kung paano dapat ito gamitin. 

Umaasa ang mag-asawang Milagrosa na magiging matiwasay ang kanilang pagsasama at mabigyan ng maginhawang buhay ang kanilang magiging pamilya. -- Ulat ni Louie Angchay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.