Mga 'Ligtas Bag' ipamamahagi sa mga apektado ng Taal eruption

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2020 06:44 PM

Kabilang sa laman ng bag ang mga gamot, first aid kit, flashlight, tubig, damit, pagkain, radyo, goggles, at iba pa. Screengrab 


MAYNILA — Halos 2 linggo matapos pumutok ang Bulkang Taal, tuloy pa rin ang dating ng tulong para sa mga apektado ng sakuna.

Maaga pa lang, abala na si Mara Sarmiento, isang volunteer, sa pag-aayos ng mga disaster preparedness bag.
    
Sadyang inilaan ni Sarmiento ang kaniyang weekend sa pagbo-volunteer.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Kahit papaano kahit hindi nila kami kilala o hindi namin sila kilala, ma-share natin 'yung time natin sa kanila para maihatid natin sa kanila 'yung tulong," aniya. 

Si Jowie Jazmines naman, volunteer din, ay kasama pa ang kaniyang mister at anak sa pagre-repack ng mga gamit tulad ng gamot.

"Gusto naming ma-instill din sa anak namin 'yung bayanihan spirit kaya sinama na rin namin siya dito," ani Jam Jazmines.

Sa tulong nila, patuloy na nakakapagbahagi ang ABS-CBN ng "ligtas bags" para sa mga apektado ng Bulkang Taal na nasa evacuation centers ngayon. 

Kabilang sa laman ng bag ang mga gamot, first aid kit, flashlight, tubig, damit, pagkain, radyo, goggles, at iba pa.

Water-proof din ito kaya hindi problema kahit mabasa.

"In any calamity po, not only this Taal Volcano eruption, puwede nila kaagad ito bitbitin at nakakasiguro sila na meron silang subsistence for several days," sabi ni Jun Dungo, pinuno ng ABS-CBN Integrated Public Service. 

Sa ngayon, nananatili pa rin sa alert level 4 ang Bulkang Taal, o maaari pa itong magkaroon ng peligrosong pagsabog ano mang oras o araw, ayon sa Phivocs.


—Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.