ALAMIN: Mga praktikal na paghahanda para sa malakas na lindol | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

ALAMIN: Mga praktikal na paghahanda para sa malakas na lindol

ALAMIN: Mga praktikal na paghahanda para sa malakas na lindol

ABS-CBN News

Clipboard

Renato Solidum

Nilinaw ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na walang koneksiyon ang mga lindol sa Batangas at Lanao del Sur sa West Valley Fault, na umano'y "hinog" na sa pagyanig.

Ayon kay Dr. Renato Solidum, direktor ng Phivolcs, lokal na fault line lamang ang nasa likod ng halos magkakasunod na lindol sa Batangas at sa Lanao del Sur kamakailan, at hindi konektado sa binabantayang major fault line sa Metro Manila.

Gayunman, pinapaalalahanan pa rin ni Dr. Solidum ang mga residente sa Metro Manila at kalapit na probinsiya na maghanda sa pinangangambahang malakas na pagyanig.

Narito ang ilang paalala:

ADVERTISEMENT

1. May mga praktikal na paghahandang magagawa ang pamilya, tulad ng pagtatanggal ng mga frame, eskaparate, libro at iba pang gamit sa itaas ng kama.

Paliwanag ni Solidum, delikadong bumagsak ang mga gamit na ito sa mga natutulog sakaling lumindol nang malakas.

2. Mainam rin na makapaghanda ng "emergency survival bag" ang isang pamilya. Laman nito ang mga pagkain, tubig, gamot, damit at píto, gayundin ang de-bateryang radyo para sa balita.

3. Wala pa man ang "The Big One," makabubuti rin kung makapag-uusap na ang pamilya sa lugar na magsisilbing tagpúan sakaling lumindol at magkakahiwalay ang bawat miyembro.

Ani Solidum, napakalaking tulong din kung kahit isang miyembro ng pamilya ay may kaalaman sa pagbibigay ng paunang lunas o first aid.

Dagdag pa ng direktor ng Phivolcs, kung maaari ay makapag-ensayo ng earthquake drill ang bawat pamilya para matiyak na handa ang bawat isa sa oras ng kalamidad.

4. Para naman sa mga nagpapagawa pa lang ng bahay, mariing paalala ni Solidum, huwag tipirin ang materyales.

Lingid sa kaalaman ng marami, ayon kay Solidum, mas marami pa ang namamatay kapag lindol sa mabababa o low-rise buildings kompara sa mga matataas o high-rise buildings.

Kung kakayahin, malaking tulong aniya na mapatingin sa isang inhinyero ang kapasidad ng isang bahay o gusali na matagalan ang isang malakas na lindol.

"Kapag tinipid ang materyales sa paggawa ng ating bahay, tinipid na rin natin ang ating buhay," ani Solidum.

--Ulat mula kay Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.