VIRAL: Brenda Mage tinawag na ‘walang silbi’ si Alexa Ilacad sa ‘PBB’

ABS-CBN News

Posted at Dec 01 2021 05:13 PM | Updated as of Dec 01 2021 05:59 PM

Kuha mula sa Pinoy Big Brother YouTube channel
Kuha mula sa Pinoy Big Brother YouTube channel

Pinag-uusapan ngayon ng maraming netizens ang tila patutsada nina Brenda Mage at Madam Inutz sa kasamahan sa “Pinoy Big Brother” na si Alexa Ilacad.

Hindi nagustuhan ng maraming fans ang mga paratang na binitawan ng komedyanteng si Brenda sa kaniyang pakikipag-usap kay Madam Inutz na nakuhanan sa 24/7 stream ng “PBB” sa Kumu. 

Sa kumakalat na video, mapapanood na sinabi ni Madam Inutz na tila wala pa siya gaanong napapansin na nagawa ni Ilacad sa loob ng Bahay ni Kuya -- bagay na sinang-ayunan ni Brenda.

Ayon kay Brenda, tanging musika lamang ang naiambag ng aktres sa reality show dahil madalas itong walang naitutulong sa kaniyang mga kagrupo maging sa mga nakaraang task nila. 

“Puro lang siya music, wala nga siyang ambag dito. Tingnan mo sa grupo nila, siya 'yung iyakin kasi wala siyang nagagawa. Zero lagi ambag. Kanina sa tingin mo, may ambag 'yung lakas niya. Wala siya ambag,” hirit ni Brenda.

“Tsaka sa lahat ng task wala naman siyang ambag. 'Yun lang sa play, kanta lang, sirena siya.”

Hindi pa rito natapos ang pag-uusap ng dalawa dahil tinawag din ni Brenda na walang silbi si Ilacad at puro ganda lamang.

“Wala siyang silbi, ganda lang talaga. Sa HOH laging lampa. Sa lutuan naman walang kwenta. Panay tago pa ng tinapay. Panay lamon pa. Pag kumakain tayo, hindi nagpapaalam kain na agad wala pang prayer. 'Yun lang ambag niya, loveteam-loveteam. Pero siya lagi nase-save,” dagdag ng komedyante.

Napaisip din sina Brenda at Madam Inutz sa mga maaaring mangyari sa papalapit na eviction night kung saan dalawa sa kina TJ Valderrama, Samantha Bernardo, Karen Bordador, at Ilacad ang tuluyang nang lalabas ng bahay.

Tingin ni Madam Inutz, si Bordador at Valderrama ang maaalis sa eviction night. Habang iniisip naman ni Brenda na magiging nominado siya sa susunod na linggo. 

Patuloy na tumataas ang tensyon sa “PBB” dahil sa pagkakahati sa dalawang grupo ng mga celebrity housemates kung saan ang mananalong grupo ay magkakaroon ng immunity.

Napapanood ang “PBB” araw-araw sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z Channel 11, iWantTFC, at TFC, at mayroon din itong 24/7 livestreaming sa Kumu.

Related video:

Watch more on iWantTFC