'First time ito': Karla Estrada, ibinahagi ang pagmamahal sa bagong nobyo

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2019 11:48 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Sa unang pagkakataon ay ipinakilala na sa publiko ni Karla Estrada ang kanyang nobyo na si Jam Ignacio.

Bumisita si Jam sa "Magandang Buhay" nitong Miyerkoles para sa pagdiriwang ng kaarawan ni Karla.

"Actually ninenerbiyos ako para sa kanya kasi hindi naman talaga siya sanay at saka hindi naman niya inaakala ito," ani Karla.

"Masaya naman. At saka bago sa akin ito, kasi wala pa naman akong naiharap, hindi ba? First time ito. Kahit 'yung tatay ng mga anak ko. Parang hiyang-hiya ako kasi kung kailan naman na may apat na akong anak. But you know, sabi nga ni Vice Ganda, deserve natin lahat ito na lumigaya at sumaya," dagdag niya.

Ayon kay Jam, una silang nagkita ni Karla noong Hunyo.

"June 1. Ang ganda. Kasi nagkakatinginan kaming madalas," ani Jam.

Kuwento niya, naramdaman niya na mahal na niya ang aktres nang madalas na ang kanilang paglabas.

"Iyong madalas na kaming magkasama, mas nakilala ko siyang mabuti. Oo [minahal ko siya agad], hindi naman siya mahirap mahalin," ani Jam.

Pag-amin ni Karla, nagdalawang-isip pa siya noon sa nararamdaman kay Jam sa paniniwalang baka natutuwa lang siya rito.

Aniya, nabilib siya sa tapang ni Jam nang maglakas-loob itong dumalaw sa bahay nila.

"Natutuwa ako sa tapang niya kasi di ba sobrang ang lakas ng personality ko, ang tapang kong tao. Pumunta siya sa bahay na di niya iniisip na bahay namin... eh 3 days pa lang kaming magkakilala. Pumunta siya, nagdala siya ng bulaklak, may coffee," aniya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Jam, noong mga panahon na 'yon ay hindi niya iniisip ang pagiging sikat na artista si Karla. 

"Inaano ko lang siya na parehas lang kami na normal na tao. Kung ano ang dapat gawin ng isang lalaki at isang babae, iyon lang naman ang ginagawa ko," ani Jam na ibinahagi na nais lang niyang maging laging masaya si Karla. 

Nang matanong kung gaano niya kamahal ang aktres, sagot ni Jam: "Hindi ko masukat 'yon pero lagi akong nasa tabi niya, sa likod niya, nakasuporta sa kung ano ang gusto niyang gawin."

Samantala, nitong Huwebes ay ibinahagi ni Karla ang kasiyahan sa mainit na pagtanggap ng publiko sa kanyang bagong buhay pag-ibig.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Alam niyo, hindi talaga ako kumportable na pag-usapan iyan. Unang-una, hindi ito ang layunin ko, na ibigay ito, kasi pribado talaga ang aking partner. Pero you know, minsan, it's okay na i-share mo ang happiness mo. Minsan sa sobrang lungkot ng mga sitwasyon na nangyayari sa bansa natin, sa buhay natin, maganda 'yung minsan kapag napapanood ka na masaya ay nakakahawa ang kasiyahan mo," aniya.

"Pero sana ay ipagdasal natin na magtapos ito na masaya at masaya lang tayong lahat. Okay kami, going strong," dagdag ni Karla na inaming nakilala na rin ang pamilya ng kanyang nobyo.

Sa huli, sinagot din ni Karla kung ano ang nararamdaman ni Daniel sa kanyang bagong relasyon.

"Alam mo ang mga anak ko, sobrang cool lang sila. Nag-end nga ang birthday ko na si Jam nandoon na sa bahay ni Daniel, binitbit ni Carlito. Then ako natulog na. Walang big deal. Malinaw sa mga anak ko na alam ko ang ginagawa ko at ang importante sa kanila ay ang masaya ang nanay nila," aniya.