‘Maalaala Mo Kaya’ ipagdiriwang ang ika-30 anibersaryo sa ‘ASAP Natin ’To’

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2021 05:43 PM

Mula sa ABS-CBN
Mula sa ABS-CBN

Mismong sa “ASAP Natin ’To” stage ipagdiriwang ang ika-30 anibersaryo ng longest-running drama anthology show sa Asya na “Maalaala Mo Kaya.” 

Sa Linggo, ilalabas ang bagong rendisyon ng theme song ng palabas na aawitin ni “Tawag ng Tanghalan” champion JM Yosures kasabay ng pagdiriwang na dadaluhan mismo ng host at ABS-CBN executive na si Charo Santos-Concio. 

Magbibigay rin ng madamdaming pagtatanghal ang OPM icons na sina Ogie Alcasid, Erik Santos, Kyla, Darren, KZ, Klarisse de Guzman, Jason Dy, Nina, Zsa Zsa Padilla, at Regine Velasquez para gawing espesyal ang anibersaryo ng “MMK.”

Isang documentary series din ang inihanda para sa palabas na kabilang sa ABS-CBN's Kapamilya YOUniverse sa YouTube. 

Ipinapakita sa nasabing dokumentaryo ang mga kaganapan sa likod ng camera sa ilang mga tumatak na episode ng “Maalaala Mo Kaya.”

Nagsimula na noong Setyembre 18 ang nasabing 10-series docu na kinatatampukan nina Vilma Santos, Kim Chiu, Jane Oineza, Zaijian Jaranilla, Maris Racal, Elisse Joson, Charlie Dizon, Jameson Blake, at Hidilyn Diaz.

Ipagdiriwang din ng mang-aawit na si Angeline Quinto ang kaniyang ika-10 taon sa industriya na pinamagatang “10Q.”

Makakasama ni Quinto ang mga beteranong singer na sina Erik Santos, Jed Madela, Elha Nympha, Jason Dy, Janine Berdin, Yosures, at Yeng Constantino.