Donita Rose, dumanas ng problemang pinansiyal

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2017 12:51 PM

MANILA -- Kahit nahihiya, inamin ni Donita Rose na dumanas siya sa problemang pinansiyal.

Sa "Magandang Buhay" nitong Lunes, inamin ni Donita na ang pagiging parte ng pelikulang "Seven Sundays" ang naging tugon para maharap niya ang problemang pinagdaanan.

"That particular day umiyak talaga ako. Para akong nabuhusan ng ulan. Nandoon ako sa kotse ko, iyak ako ng iyak. Sabi ko, 'Lord, di ko na kaya ito.' Habang umiiyak ako pinalampas ko na lang muna then I prayed. Then tinawagan ko ang manager ko and I said, 'Parang di ko na kaya ang pinagdadaanan ko.' Sabi niya, 'Hindi ba ikaw lagi mong sinasabi na magtiwala kay Lord. Huwag kang mag-alala may darating at darating din.' The next day, 'Hello Donita, may movie offer ka,'" pagbabahagi ni Donita.

"Although nakakahiyang i-share sa inyo, siyempre kung ito ay magandang mensahe para magtiwala tayo, sige ishi-share ko na lang kahit nakakahiya. After that, sinabi sa akin may pelikula, ang pangalawang naisip ko naku hindi pa ako fit, hindi pa ako ready. Ang sagot, 'Huwag kang mag-alala, kasi dito ay buntis ka' buntis ang role ko. So sobrang happy ako na nakasama ako sa pelikulang ito, dahil ang ganda-ganda ng pelikulang ito, promise," dagdag ni Donita.

Sa "Seven Sundays" ay ginagampanan ni Donita ang karakter bilang maybahay ni Allan (Aga Muhlach).

"This is my first movie after 14 years. So sana ay suportahan niyo ang aking comeback sa pelikula," ani Donita.

Sa ngayon ay masaya si Donita sa pagiging single parent sa kanyang anak na lalaki.