Vice Ganda, hiling ang pagbabalik ni Jay-Ar Siaboc

ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2019 08:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA -- Todo papuri ang tinanggap ng singer na si Jay-Ar Siaboc sa kanyang pagbabalik para sa celebrity edition ng Tawag ng Tanghalan sa "It's Showtime"

Si Jay-Ar ay produkto ng unang edisyon ng Kapamilya singing search na "Pinoy Dream Academy" noong 2006 kung saan nagwagi si Yeng Constantino.

"Masaya ako na nagkita kami ulit, barkada kasi kami nito e'," pagsalubong ni Vice kay Jay-Ar sa "It's Showtime" nitong Lunes.

"Salamat nga pala sa 'Showtime.' Binigyan nila ako ng chance na makapag-perform ulit dito at makapunta ulit ng Maynila, so thank you," tugon naman ng singer.

Dahil matagal nang hindi napanood sa telebisyon, aminado si Jay-Ar na labis niyang na-miss ang umawit sa telebisyon.

"Ako rin na-miss ko sobra dito mag-perform kasama ang mga tao, kasama kayo siyempre," aniya.

Dahil bakas ang kaba, hiling rin ng "It's Showtime" host sa singer ang muling panunumbalik ng tiwala nito sa sarili.

"I’m sure kinakabahan ka, kasi parang bago sa 'yo ulit ito e, kaya ako ang wish ko, mabalik ulit sa 'yo 'yung confidence na mayroon ka dati, 'yung paniniwala mo na meron ka sa sarili mo, na mahusay ka," ani Vice.

"Maaring 'yun ang nawala sa dami ng mga nangyari sa buhay mo, pero gusto kitang i-remind na hindi nawala ang galing mo, 'yung confidence mo lang ang nawala," pahayag pa ng Kapamilya host.

Sa ngayon, naninirahan na sa Cebu si Jay-Ar at mayroon ng dalawang anak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.