Joshua Garcia, naiyak dahil sa sulat ng ina

ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2019 12:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Hindi napigilan ng aktor na si Joshua Garcia ang lumuha dahil sa kanyang ina.

Sa "Magandang Buhay" nitong Lunes, para sa pagdiriwang ng kanyang ika-22 kaarawan, naging emosyonal ang aktor nang basahin ang sulat mula sa kanyang ina.

Sa sulat, iginiit ng ina ni Joshua ang pagmamahal at suporta sa kanya.

"Thank you for loving me and you are always welcome sa bahay namin," ani Joshua matapos basahin ang sulat ng ina.

Tuluyan nang lumuha si Joshua nang matanggap ang isa pang sorpresa mula sa kanyang nanay. Ito ay ang ilang mga pahina mula sa libro tungkol sa filmmaking na nais niyang pag-aralan kung may pagkakataon.
 
"Sa ngayon film ang gusto ko. Sa ngayon ha, pero baka pagdating ng panahon ay mabago pa siya," ani Joshua.

"Adik kasi ako sa photography at saka 'yung mga direktor nakaka-inspire sila kapag dinidirek nila ako, parang gusto ko itong trabao na ito," dagdag niya.

Aniya, kung dumating ang tamang panahon ay gusto niyang magsimulang mag-direk ng music video.

Sa lahat nang pinagdaanan, may isang aral na tumatak sa aktor ngayong 22 anyos na siya.

"Huwag magmadali sa mga bagay-bagay. Kumbaga slow burn, patience, talaga huwag madaliin lahat ng bagay. Enjoy-in mo every second na nabubuhay ka," ani Joshua na nagpasalamat din sa kanyang pamilya para sa lahat ng pagmamahal at suporta.

"May naisip ako recently. Sino ba ang dapat kong pasalamatan? Naisip ko, unang-una siyempre gusto kong pasalamatan ang tito kong pari, ang lola ko sa pagpapalaki sa akin ng maayos. Kumbaga tinuruan nila ako na makontento sa kung ano ang mayroon ako. Sa nanay ko, kumbaga hindi man niya ako nasaksihan na lumaki, eh binuhay niya ako. Sa tatay ko na matiyaga na nagpalaki rin sa akin, na sumuporta sa akin at nandiyan palagi na naging nanay at tatay ko. Sabi ko 'yun ang mga dapat kong pasalamatan talaga. ...Mare-realize mo sila dapat, kasi sila ang dahilan kung bakit nabubuhay ka," paliwanag ni Joshua.

Sa ngayon ay isa si Joshua sa mga bida ng sikat na seryeng "The Killer Bride."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.