All-time high: Higit 92,000 home players lumahok sa ‘Madlang Pi-Poll’ ng ‘It’s Showtime’

ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2021 09:36 PM

Umakyat sa higit 92,000 ang sumali sa 'Madlang Pi-Poll ng 'It's Showtime' nitong Sabado. ABS-CBN
Umakyat sa higit 92,000 ang sumali sa 'Madlang Pi-Poll ng 'It's Showtime' nitong Sabado. ABS-CBN

Nagtala ng bagong rekord ang segment na “Madlang Pi-Poll” ng “It’s Showtime” matapos umabot sa higit 92,000 ang home players na lumahok nitong Sabado. 

Pumalo sa 92,918 ang madlang pipol na sumali sa bagong interactive game ng noontime show, ang pinakamataas na naitala ng palabas simula nang buksan ang segment noong Hulyo. 

Maghahati ang ilang napiling home players sa P55,000 na nakolekta nila habang P50,000 naman ang iuuwi nina Almira, Alyssa at Aina Muhlach na nagsilbing studio players. 

Sa nasabing virtual game, makakasali ang mga manonood sa pamamagitan ng pag-scan ng QR code na ipapakita sa screen habang umeere ang segment. Tanging mga nasa Pilipinas lamang na may edad 18 anyos pataas ang makakasali. 

Kasamang maglalaro ng madlang pipol ang ilang studio players na susubukang hulaan ang magiging sagot ng karamihan sa mga manonood. 

Bawat katanungan ay may katumbas na halagang naglalaro mula P5,000 hanggang P30,000. Kapag nahulaan ng studio players ang pulso ng karamihan sa madlang pipol, sa kanila mapupunta ang premyo.

Kung mali naman ang pinili nila, mapupunta ang halaga ng tanong sa madlang pipol na paghahati-hatian ng mapipiling panalo. 

Umabot sa higit 45,000 na Kapamilya ang sumali sa game show sa unang episode pa lamang nito. 

Kaya naman matapos ang unang dalawang linggo, naging araw-araw na ang nasabing segment. 

Mapapanood ang “It’s Showtime” mula Lunes hanggang Sabado sa A2Z channel sa digital at free TV, Kapamilya Channel sa cable at satellite TV, sa Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, pati na rin sa iWantTFC app.