'Best side kick': Kilalanin si Zaijian Jaranilla bilang makabagong Ding sa 'Darna'

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2022 01:42 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA – Sa muling paglipad sa himpapawid ni “Darna,” magbabalik din ang tumatak na karakter sa kuwento ni Mars Ravelo na si “Ding.”

Sa nalalapit na pag-ere ng “Mars Ravelo’s Darna” sa ABS-CBN, makakasama ni Jane de Leon bilang side kick si Zaijian Jaranilla na gaganap bilang kaniyang kapatid na si Ding.

Mapapanood sa maikling teaser na inilabas sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel na may kaunting kakwelahan ang makabagong Ding.

Ngunit hindi rin ito papahuli sa kakayahan dahil tila may angking talas ang mga mata nito na makakatulong kay Narda (De Leon) sa kaniyang pagiging bagong tagapagtanggol ng mundo. 

“ ’Wag ka mag-alala, nandito naman ako di ba? Side kick mo nga ako. The best side kick,” saad ni Ding sa kaniyang kapatid. 

Sina Narda at Ding ay mga anak ni Iza Calzado na siyang unang “Darna.”

Bukod kay De Leon at Jaranilla, makakasama rin sa palabas sina Janella Salvador at Joshua Garcia.

Mapapanood ang “Darna” simula Agosto 15 sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, Jeepney TV, A2Z, TV5, iWantTFC, sa TFC.