MAYNILA -- Ilang araw matapos gumawa ng kasaysayan bilang kauna-unahang Pinoy na nakasungkit ng ginto sa Olympics, nagpaunlak ng panayam ang weightlifter champion na si Hidilyn Diaz para sa "Maalaala Mo Kaya" (MMK), kung saan nakausap niya ang host ng programa na si Charo Santos.
Ito ang ibinahagi ni Santos sa kanyang Instagram post nitong Miyerkoles ng gabi.
Sa caption, nagpasalamat si Santos sa karangalang ibinigay nito sa Pilipinas.
"With the woman of the hour, @hidilyndiaz. Thank you for always being so generous of your time for @mmkofficial. We are so proud of you and we are behind you as you dream higher. Maraming salamat muli sa parangal na ibinigay mo sa bansa," ani Santos.
Ngayong Sabado, Hulyo 31, muling ipapalabas ng "MMK" ang kuwento ng buhay ng kauna-unahang Olympic champion ng bansa -- mula sa pag-iigib ng tubig sa kanilang lugar patungo sa apat na Olympic Games at dalawang medalya sa pinakamalaking kompetisyon sa buong mundo.
Ginampanan ni Jane Oineza ang karakter ng atleta sa nasabing episode na inilabas noong 2016.
Maliban sa kuwento ng buhay ni Diaz, ipapalabas din ng "MMK" ang naging eksklusibong pag-uusap nina Santos at Diaz.
Mapapanood ang #MMKHidilynDiaz ngayong Sabado, 8:30 ng gabi sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, TFC at A2Z Channel 11.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.