Throwback Thursday: Nasaan na ang 'Tabing Ilog' cast ngayon?

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2018 02:53 PM | Updated as of Jun 29 2018 06:47 AM

Maituturing na isa sa mga pinakasikat na barkada serye noon ang "Tabing Ilog," na umere ng apat na taon mula 1999 hanggang 2003.

Binansagan din itong Filipino version ng sikat na American teen drama na "Dawson's Creek."

Makalipas ang halos dalawang dekada mula nang una itong ipalabas, saan na nga ba napadpad ang mga dating young star na gumanap sa mga magkakaibigan?

JOHN LLOYD CRUZ

Isa na ngayon sa mga tanyag na leading men sa bansa si John Lloyd Cruz, na gumanap bilang Rovic sa "Tabing Ilog." Kilala siya sa mga pinagbidahan niyang box-office-hit films gaya ng "One More Chance" at "A Very Special Love." Huli namang napanood ang aktor sa telebisyon bilang Mateo sa "La Luna Sangre."

Iniuugnay din si Cruz, 35 anyos, sa aktres na si Ellen Adarna na nagdadalantao umano sa anak nila ng aktor.

KAYE ABAD

Matapos gampanan si Eds sa "Tabing Ilog," patuloy na naging aktibo si Kaye Abad sa show business. Ilan sa kaniyang mga notable na proyekto ang "Precious Hearts Romances Presents: Bud Brothers" at "Angelito: Batang Ama."

Ikinasal noong 2016 si Abad, ngayo'y 36 anyos, sa dating "Pinoy Big Brother" housemate na si Paul Jake Castillo.

PATRICK GARCIA

Pag-aartista pa rin ang tinahak na karera ni Patrick Garcia matapos gumanap bilang James sa "Tabing Ilog." Kasalukuyang napapanood ang 36 anyos na aktor sa "The Blood Sisters."

Ikinasal si Garcia noong 2015 at kasalukuyang may tatlong anak.

PAULA PERALEJO

Pagpapatakbo ng travel agency ang pinagkakaabalahan ngayon ng 33 anyos na si Paula Peralejo, na gumanap sa papel na Anne. Katuwang ng dating aktres ang kaniyang mister na si Charlie Fernandez sa negosyo.

Nagtapos noong 2008 bilang magna cum laude si Peralejo ng kursong bachelor's degree in Philosophy at minor in Tourism sa Univeristy of the Philippines-Diliman.

PAOLO CONTIS

Nananatiling aktibo sa show business si Paolo Contis, na gumanap bilang Badong. Bagaman lumipat sa ibang network, nagpapasalamat pa rin ang 34 anyos na aktor sa Star Magic sa paglunsad ng kaniyang karera.

DESIREE DEL VALLE

Pag-aartista pa rin ang linya ng trabaho ni Desiree Del Valle, na ginampanan noon ang papel ni Corrine. Huling lumabas ang 37 anyos na aktres sa "La Luna Sangre" bilang tiyahin ng karakter ni Daniel Padilla.

Ikinasal din nitong taon si Del Valle sa aktor na si Boom Labrusca, ama ni Tony Labrusca.

BARON GEISLER

Dahil sa hindi mabilang na mga pelikula at seryeng nilahukan niya, masasabing naging masagana ang karera ni Baron Geisler, na gumanap na Fonzy sa "Tabing Ilog." Magugunitang naging housemate din siya sa "Pinoy Big Brother."

Ipinagdiwang ni Geisler nitong buwan ang kaniyang ika-36 kaarawan. Base rin sa kaniyang social media posts, mistulang nagbabagong buhay na ang kontrobersiyal na aktor, na unang nagsabi noong Marso na sasailalim daw siya sa rehab.

JODI STA. MARIA

Patuloy namang ipinamamalas ni Jodi Sta. Maria, na gumanap bilang George, ang kaniyang husay sa pag-arte. Ilan sa mga matagumpay na pinagbidahan niyang serye ay ang "Be Careful With My Heart" at ang 2015 remake ng "Pangako Sa'yo." Kasalukuyan siyang napapanood sa noontime drama na "Sana Dalawa Ang Puso."

Ipinagdiwang ni Sta. Maria nitong buwan ang kaniyang ika-36 kaarawan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.