Batikang aktor na si Eddie Garcia pumanaw na

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2019 05:42 PM | Updated as of Jun 20 2019 09:20 PM

Natuldukan nitong Huwebes ang 7 dekadang karera bilang aktor at direktor sa pelikula at telebisyon ni Eddie Garcia, 90 anyos. Philippe Lopez, AFP/file

MAYNILA — Sa edad na 90, pumanaw na ang batikang aktor na si Eddie Garcia na tanyag sa sari-saring pagganap sa loob ng kaniyang halos 7 dekadang karera sa pinilakang tabing.

Nitong Huwebes, kinumpirma ng spokesman ng pamilya na si Dr. Tony Rebosa na pumanaw na si Garcia alas-4:55 ng hapon.

Watch more in iWant or TFC.tv

"We join the entire Filipino community in praying for the soul of Mr. Garcia and his dearly beloved family and friends," ayon sa medical bulletin na inilabas ng Makati Medical Center.

Bago nito, halos 2 linggong nasa kritikal na kondisyon ang aktor dahil sa tinamong severe cervical fracture matapos aksidenteng matisod sa gitna ng isang shooting sa Maynila.

Dahil sa injury, naapektuhan ang spine (gulugod) ng aktor at nilagyan ng traction ang kaniyang leeg.

Hanggang sa pinakahuling saglit na aktibo ang aktor, ginagawa niya ang kaniyang pinakamamahal na gawain: ang pag-arte.

Watch more in iWant or TFC.tv

ITINADHANA SA SHOWBIZ

Ipinanganak na Eduardo Verchez Garcia noong May 2, 1929, nakilala si "Manoy" sa halos 600 na pelikula bilang aktor o direktor.

Matapos ang pagseserbisyo niya sa militar matapos ang World War II, nakumbinsi si Garcia ng isang George Sanderson para subukang maging talent ng direktor na si Manuel Conde, na noo'y ginagawa ang pelikulang "Siete Infantes de Lara."

Sa 40 lalaking sumubok mapabilang sa cast, isa sa Garcia sa 7 lalaking napili, at doon na nag-umpisa ang kaniyang mahabang karera sa showbiz.

Simula pa noon, si Garcia na ang paborito ng mga direktor na gumanap bilang kontrabida sa mga proyekto.

Magnanakaw, rapist, mamamatay-tao, lahat ito ay nagampanan na ni Garcia.

Pero hindi nakulong ang aktor sa iisang linya ng pagganap dahil nakilala din siya sa ilang pelikulang aksiyon at comedy.

Noong 2018 lang, sa edad na 89, gumanap ang aktor bilang isang senador na umibig sa isang kapwa lalaki sa pelikulang "Rainbow’s Sunset."

Iginawad din sa aktor ang Best Actor award sa kaniyang pagganap sa "ML" - isang pelikula ukol sa batas militar noong panahon ni dating pangulo at diktador Ferdinand Marcos.

Sa kaniyang pinakahuling proyekto sa ABS-CBN, kabilang si Garcia sa cast ng popular na seryeng "Ang Probinsyano" kung saang binigyang buhay niya ang karakter ng isang drug lord.

Iniwan ni Garcia ang kaniyang anak na si Lisa Ortega na nakabase sa San Diego, California. Ang 2 niyang iba pang anak ay nauna nang pumanaw.

Batay sa huling habilin ng aktor, ayaw niya ng lamay.

Bagkus, ang kaniyang mga labi ay nais niyang ipa-cremate agad, at ang mga abo ay ipinasasaboy niya sa Manila Bay.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagbigay-pugay naman kay Garcia ang kaniyang mga kasamahan sa showbiz at nagpasalamat sa naging mga ambag nito sa industriya.

"You will be missed and forever remembered. I pray you find peace and rest in the arms of our Lord. You are in a better place, Sir," pahayag ng aktres na si Jodi Sta. Maria.

Tinawag naman ni K Brosas na "malaking kawalan sa industriya" ang pagpanaw ng aktor.

Nagbahagi naman ng hindi malilimutang kuwento tungkol kay Garcia ang ilan sa nakatrabaho niyang batikang artista bago siya pumanaw.

"Ano talaga siya, first on the set. He's the ultimate professional," ani Tony Mabesa, na nakatambal ni Garcia sa "Rainbow Sunset."

"He's a gentleman, very kind person and i love him for that at ang bait bait," anang aktres na si Gloria Sevilla.

—Mula sa ulat ni Leah C. Salterio

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.