Kim Chiu binalikan ang pinagdaanan dahil sa viral 'bawal lumabas' statement

ABS-CBN News

Posted at May 26 2020 03:48 PM

MAYNILA — Binalikan ni Kim Chiu ang mga pinagdaanan niya bunsod ng kontrobersiyal na pahayag niyang “bawal lumabas,” mula sa pamba-bash hanggang sa makahanap siya ng lakas na bumangon sa pagsubok.

Binitiwan ni Chiu ang nakakalitong pahayag sa isang Facebook Live noong Mayo 8, kung saan binatikos nila ng mga kapuwa Kapamilya stars ang pagpapatigil ng gobyerno sa free broadcast operations ng ABS-CBN.

Sa panayam kamakailan ng ABS-CBN News, ibinahagi ni Chiu na mas positibo na siya, ilang linggo matapos umiwas sa social media dahil sa pambabatikos na kaniyang natanggap mula sa netizens.

“Lumabas na ako with a different perspective, more happy me. ‘Yon, hindi ako lumabas noong mga panahong nagsilabasan lahat ng memes ko,” ani Chiu.

“I stopped talking to people, even ‘yong mga Viber group ko, nag-out ako, wala akong kinausap except sa lahat ng tao dito sa bahay namin,” kuwento niya.

Bukod sa memes, nagkaroon din ng Tiktok videos ng mga taong sumasayaw sa mga kantang hango sa kaniyang mga pahayag. Doon umano napagtanto ni Chiu na may mga tao naman siyang napasaya dahil sa nangyari.

“Tapos sabi ko, 'ah, madami pa lang sumaya'. Hindi naman pala nila ako jinudge na bobo ako... hindi naman pala lahat ‘yon ang sinabi,” aniya.

Kalaunan ay ni-release ni Chiu sa digital streaming platforms ang kantang hango sa kaniyang mga pahayag.

Napabilang na sa Top 12 ng iTunes Philippines chart ang kanta at nag-launch din ang aktres ng T-shirts hango rito.

Gagamitin umano ni Chiu ang pondong malilikom para makatulong sa mga pamilyang apektado ng lockdown.

“Gusto kong makatulong sa families na bawal pa rin lumabas, para bigyan natin sila ng food package,” ani Chiu. —Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.