PatrolPH

Ejay Falcon, iprinoklamang bise gobernador ng Oriental Mindoro

ABS-CBN News

Posted at May 11 2022 11:44 AM | Updated as of May 11 2022 11:55 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA -- Nagwagi ang aktor na si Ejay Falcon nitong halalan bilang bagong bise gobernardor ng Oriental Mindoro.

Sa programang "Kabayan" ng TeleRadyo nitong Miyerkoles, ibinahagi ni Falcon na naiproklama na sila nang nagwaging gobernador na si Bonz Dolor nitong Mayo 10.
 
"Ang vice governor po ay kailangang suportahan ang lahat ng programa ng pamahalaang panlalawigan at mas paunlarin po ang pangangailangan ng ating lalawigan sa Oriental Mindoro. Interest po ng mamamayang Mindoreño ang iprayoridad at hindi nterest ng kung sinumang politiko. Dapat po talaga interest ng mamamayang Mindoreño," ani Falcon.

"Sa pag-iikot ko po ang priyoridad po talaga ngayon siyempre po kuryente, 'yung pagbaba ng presyo ng palay, kailangan po na matutukan natin 'yan, masolusyunan. At marami pa po -- pagbabaha at maraming problema po sa barangay," dagdag ng aktor.

Bilang pinuno aniya sa Sangguniang Panlalawigan, handa ang aktor na lumapit sa iba pang mga nahalal na opisyal para makipag-usap at maplano ang mga dapat gawin para sa interest ng mga taga-Oriental Mindoro.

"Para po sa mamayan ang gagawin namin. Kaya dapat po talaga ako bilang pinuno sa Sangguniang Lalawigan, ako po ang makitaan ng magandang halimbawa sa lahat ng ito. Kaya ako po ay willing po ako talaga, magpapakumbaba ako para lumapit sa kanila at makipag-usap," ani Falcon.

Nitong Martes sa pamamagitan ng Instagram, nagpasalamat si Falcon sa lahat ng mga sumuporta at bumoto sa kanya.

Si Falcon, 32, ay lumaki sa bayan sa Pola, Oriental Mindoro.

Gumawa ng pangalan sa showbiz si Falcon nang maging big winner sa teen edition ng “Pinoy Big Brother” noong 2008.

Naging leading man ng iba't ibang serye ng ABS-CBN si Falcon tulad na lamang ng “Pasion de Amor” at “Dugong Buhay.”

Isa ring Philippine Air Force reservist si Falcon na nakumpleto ang training noong 2019.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.