Polo Ravales, may mensahe sa mga artistang sangkot sa video scandal

ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2019 03:32 PM | Updated as of Apr 03 2019 03:49 PM

MANILA -- Ibinahagi ng aktor na si Polo Ravales ang kanyang saloobin tungkol sa mga video scandal na mainit na paksa ngayon sa social media. 

Sa report ng PEP kay Ravales, sinabi ng aktor na wala siyang simpatya sa mga artistang sangkot sa nasabing iskandalo.

Paliwanag ni Polo, batid naman ng artista na malaki ang posibilidad na lumabas ito sa publiko sakaling gawin ito.

"Wala akong sympathy sa kanila. None. You should be really responsible. Nag-video ka e," ani Polo na iginiit na sigurado siyang hindi masasangkot sa video scandal.

"Wala akong ganoon. Kung meron, e, di sana lumabas na, di ba? Maingat ako," ani Polo.

Maliban sa video scandal, mainit ding paksa ngayon ang 31 artistang nasa drugs watch list ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA. 

Ayon sa aktor, pabor siya na pangalanan ang mga artistang nasa listahan para maging patas ito sa iba.

"Kung politicians at pulis pinapangalanan, bakit hindi ang mga artista? Ako kasi, drug-free talaga ako. Kahit noong bata ako, hindi ako gumagamit ng illegal drugs," ani Polo.

Nang matanong kung may kilala ba siyang mga personalidad na gumagamit ng illegal drugs at nag-alok na sa kanya, sagot ng aktor: "Meron pero tinanggihan ko. Sabi ko, hindi ko kaya. Baka hindi kaya ng katawan ko." 

Bida ngayon si Polo sa pelikulang "Portrait of My Love" kasama si Kiray Celis.