PBB: Ashton Salvador kinumpronta si Rob Blackburn sa inasal sa ibang housemates

ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2022 08:51 PM

 Mula sa Kapamilya Online Live
Mula sa Kapamilya Online Live

Hindi nagustuhan ni Ashton Salvador ang inasal ng kasamahang si Rob Blackburn sa dalawang babaeng housemates sa “Pinoy Big Brother.”

Ito ay matapos pagtaasan ng boses ni Blackburn sina Maxine Trinidad at Stef Draper na nag-aalala lamang sa kaniya nang maglaro ang mga ito ng “luksong baka.”

Nagsimula ang pagiging iritable ni Blackburn dahil sa ginawang larong Pinoy na para sa kaniya ay mapanganib laruin. 

Napansin na ito ni Trinidad kaya kinausap niya ito kasama si Draper na nag-aalala sa kasama. Tila hindi naging maganda ang pagtanggap ni Blackburn sa ginawa ng dalawang at napagtaasan niya ng boses.

Ayon kay Blackburn, hindi niya alam kung seryoso ang mga ito o sarcastic lamang sa kaniya.

Nabigla naman ang dalawang teen housemates lalo pa’t malinis ang intensyon nila sa paglapit sa kaniya.

Lumabas ang mga ito upang mag-usap nang maayos. Doon ipinaliwanag ni Blackburn ang nangyari pambu-bully sa kaniya noon sa eskuwelahan.

Aniya, minsan siyang napagtripan ng mga kaklase at kinuhanan habang kumakanta. Sa caption umano, inilagay ng mga ito na nakakahiya siya at parang bakla. 

Dito mas naunawaan nina Trinidad at Draper ang pinanggagalingan ni Blackburn kaya naman niyakap nila ito. Naiyak pa si Draper habang nililinaw na wala siyang balik gawin iyon sa kasamahan.

Subalit, hindi pa rin natuwa si Salvador sa nangyari kaya naman kinausap nito si Blackburn kinabukasan.

Ngunit bago niya ito makausap, pinatawag muna siya ng virtual assistant ni Big Brother na si KEA – na na-hack na ng isang scammer. 

Sinubukang pilitin ng scammer na awayin ni Salvador si Blackburn dahil sa ginawa nito sa dalawang housemates. 

Pagkalabas sa confession room, humanap ng timing si Salvador upang kausapin ang kasama. Doon inamin nito na hindi nila nagustuhan ang ginawa ni Blackburn. 

Maayos ang naging pag-uusap ng dalawa at tinaggap ni Blackburn ang mga sinabi ni Salvador. 

Mapapanood ang “PBB” araw-araw sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z Channel 11, iWantTFC, at TFC. Mayroon din itong 24/7 livestreaming sa Kumu.