PBB: Kuya, pansamantalang nagpaalam sa housemates

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2022 11:12 PM | Updated as of Mar 30 2022 11:13 PM

Mula sa Kapamilya Online Live
Mula sa Kapamilya Online Live

Pansamantalang nagpaalam si Big Brother sa mga teen housemates upang asikasuhin ang importanteng bagay na kakailanganin ng kaniyang atensyon.

Nitong Miyerkoles, ibinalita ni “Kuya” sa kaniyang mga housemate ang saglit na pag-alis sa kaniyang bahay para sa mahalagang gawain na ikinabigla ng mga kalahok. 

“Ako ay magpapaalam na. Pero panandalian lamang. Ako ay aalis muna ng bahay ko housemates. Mayroon akong importanteng kailangan asikasuhin na kailangan kong pagtuunang-pansin agad,” ani Kuya sa housemates. 

Dahil dito, ipinakilala ni Big Brother ang kaniyang magiging virtual assistant sa loob ng bahay kung sakaling may kailanganin ang mga housemates. 

Isang giant screen na pinangalanan niyang K.E.A o “Kuya’s Executive Assistant” ang inilagay sa living room ng bahay habang may isang chat room ding inihanda kung sakaling kailangan pa ng mga housemates kausapin ito. 

Nag-aalala naman ang ilang mga contestant sa kalagayan ni Big Brother habang ang iba ay inaming maninibago na hindi maririnig ang boses nito. 

Samantala, isa-isa namang kinausap ni K.E.A ang mga housemates sa chat room katulad ni Kai Espenido na nagulat nang ipakita ng virtual assistant ang retrato niya noon na nagse-surfing. 

Natuwa rin si Eslam El Gohari dahil alam nito na mahilig siya sa computers. 

Bago pa man magpaalam, sinabi na rin ni Big Brother ang sunod na weekly task ng mga housemate kung saan may gagayahin silang imahe sa pamamagitan ng photo mosaic na may 324 pieces ng iba’t ibang litrato. 

Mapapanood ang “PBB” araw-araw sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z Channel 11, iWantTFC, at TFC. Mayroon din itong 24/7 livestreaming sa Kumu.