Anak ng aktres na si Liberty Ilagan, nilinaw na hindi COVID-19 ang ikinamatay ng ina

Mario Dumaual, ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2020 11:28 AM

MANILA -- Nilinaw ngayon ng restaurant owner at designer na si Happy Ongpauco-Tiu, anak ng aktres na si Liberty Ilagan, na chronic obstructive pulmonary disease o COPD at heart attack, at hindi COVID-19, ang ikinamatay ng kanyang ina noong Marso 15 ng umaga. 

Kasunod ito ng official statement nilang magkakapatid kahapon sa social media tungkol sa pagyao ng kanilang ina. 

Pumanaw si Ilagan sa edad na 76 sa isang ospital sa Metro Manila matapos ng limang oras na emergency procedure, ayon kay Tiu. 

Itinuring si Ilagan na isa sa pinamakamagandang aktres sa sine Pilipino. Siya ay anak ng National Artist na si Gerry de Leon. 

Idinetalye ni Tiu na hanggang sa mga huling oras ng ina, kahit hirap nang huminga, malinaw pa rin ang kanyang pag-iisip. 

Humingi pa raw ito ng sopas para dalahin sa ospital. 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Happy Ongpauco-Tiu (@happyongpauco_tiu) on

Lahat daw ng hakbang sa emergency procedure na isinagawa noong Marso 14 ng gabi ay idinaan ng medical team sa video conference dahil sa restriksyon sa mga bisita at dalaw sa ospital. 

Giit din ni Tiu, mula pa noong July 2019 ay naka-oxygen na ang kanyang ina dahil sa COPD. 

Konsolasyon ni Tiu, pumanaw ang kanyang ina nang tahimik habang naka-sedate siya, alas tres ng madaling araw noong Linggo.

Ikinalungkot ni Tiu na hindi pa makuha ng kanyang pamilya ang labi ng kanyang ina sa ospital dahil sa higpit ng restriksyon ngayon sa mga ospital dahil sa COVID-19 protocols. 

Pagkatapos daw ng pandemic at kahit abutin pa ito ng ilang buwang pag-aantay, ihahanda ni Tiu ang isang malaking thanksgiving at tribute para sa kanyang ina. 

Susundin din daw nila ang huling habilin nito na ipa-cremate siya. 

Sumikat si Ilagan bilang contract star ng Sampaguita Pictures noong dekada '60. 

Bukod sa pagiging designer, pinangasiwaan ni Ilagan ang Barrio Fiesta restaurants. 

Miyembro siya ng showbiz clan ng mga Ilagan na kinabibilangan nina Robert Arevalo, Jay Ilagan, Janno Gibbs at marami pang personalidad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.