Ronnie Alonte di inakalang mabibigyan muli ng kontrata sa ABS-CBN

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2022 11:03 PM

Mula sa Instagram ng Star Magic
Mula sa Instagram ng Star Magic

Hindi inakala ng aktor na si Ronnie Alonte na mabibigyan siya muli ng pagkakataong magkaroon ng eksklusibong kontrata sa ABS-CBN network, lalo pa’t hindi pa siya matagal sa industriya. 

Sa ginanap na contract signing nitong Miyerkoles na pinangalanang “Kapamilya Strong 2022,” ikinagulat niya ang pagpirma sa istasyon na lalong naging motibasyon para pagbutihin niya ang trabaho. 

“Di ko rin ine-expect. Pangpitong taon ko palang to ngayon sa industriya. Sobrang happy ako kasi kagaya nito, binigyan tayo ng panibagong kontrata ulit. Excited na ko sa mga susunod pang mangyayari,” ani Alonte. 

Malaki ang utang na loob umano niya sa kompanya dahil ito ang nagtiwala sa kaniya noong nagsisimula at walang-wala pa siya. 

“Dito ako nagsimula. Ito ’yung bumuhay sa’kin nu’ng dating walang-wala pa ko. Hanggang ngayon, andito pa rin ako,” saad ng aktor.

Nagpapasalamat din ito na sa kabila ng pagdami ng mga umuusbong na bagong artista ay hindi pa rin ito nawawalan ng proyekto sa ABS-CBN.

Nakatakdang bumida si Alonte kasama ang nobyang si Loisa Andalio sa seryeng “Love in 40 Days.” 

Sa kaniyang pagpirma ng kontrata, handa aniya siyang ipagpatuloy ang nasimulan sa showbiz at magawa pa ang mga pinapangarap na proyekto.

“Kung ano ’yung nasimulan ko, ipagpatuloy pa. And ’yung mga dream roles, magawa pa. Ito ’yung pampatunay na matutuloy na talaga,” sambit nito.

May payo rin si Alonte, na nakilala bilang miyembro ng “Hashtags” ng “It’s Showtime!”, sa mga nagnanais na maging artista rin sa hinaharap.

“Ituloy n’yo lang ang pangarap n'yo. Kung ano ’yung nararamdaman n'yo, go lang. ’Wag makikinig sa iba. Sundin n'yo ’yung nasa puso n'yo,” ani Alonte. 

Bukod kay Alonte, pumirma rin ng bagong kontrata sina Andalio, Jolina Magdangal, Erich Gonzales, Shaina Magdayao, Sam Milby, Gerald Anderson, Zanjoe Marudo, Jake Cuenca, Gary Valenciano, at Regine Velasquez.

Related videos:

Watch more on iWantTFC
Watch more on iWantTFC
Watch more on iWantTFC