MANILA - Ang buwanang-dalaw o menstruation ay panahon ng normal na panlalagas ng "lining" ng matris. Ang mga nalalagas na "lining" na ito ang lumalabas na dugo.
Buwan-buwan, kumakapal ang dugo sa "lining" ng matris dahil sa hormones. Pagkatapos ng regla, manipis na ulit ito. Paulit-ulit itong nangyayari sa mga babaeng normal ang pagreregla hanggang menopausal age.
Masasabing abnormal ang pagreregla kapag:
• Naglalayag o may abnormalidad sa normal na cycle.
• Marami o kakaunti ang dugong lumalabas.
• Paiba-iba ang haba ng buwanang dalaw.
Ayon kay Dr. Sharon Mendoza, OB Gynecologist at regular volunteer ng Salamat Dok, "Ang regular cycle ay every 28 days. May short cycle, 21 days. Mayroon ding long cycle, 45 days. All are considered regular. Sa 2-7 days menstrual cycle, nakagagamit ng 3 to 4 pads per day. Ang minimal na dami ng dugo ay 80ml for the entire cycle o mga 6 na kutsara. Kapag higit pa diyan, it could be abnormal. Pwedeng myoma. Magpa-check up."
Dumagsa ang mga tanong ng kababaihan sa ating Facebook page tungkol sa ganitong kondisyon. Narito ang isa mula kay Cristy S.D.:
"Dok, normal po ba yung hindi dumating ang regla in 2 months? Worried lang kasi ako eh hindi naman ako nagalaw. Dalawang taon na ako rito sa abroad."
Sagot ni Dr. Mendoza, "It's okay to have irregular menses up to 3 months. Minsan, apektado ng lifestyle, work at weather conditions sa ibang bansa ang hormones ng isang babae, kaya nag-iiba ang menstrual cycle."
Uri ng Abnormal na Regla
• Oligomenorrhea – madalang na pagreregla. Ang mga babaeng may ganitong kondisyon ay nagkakaroon ng 6 hanggang 8 periods lang sa isang taon.
• Metrorrhagia – pagkakaroon ng regla sa pagitan ng buwanang dalaw.
• Menometrorrhagia – matagal, malakas, iregular at madalas.
• Amenorrhea – walang regla sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan o mas mahaba pa.
Sanhi ng Abnormal na Regla
• Pagbabago sa antas ng hormones
• Intrauterine device (IUD)
• Pagpapalit ng birth control pills
• Gamot sa ibang sakit
• Sobrang ehersisyo
• Polycystic ovarian syndrome (PCOS)
• Pagbubuntis
• Pagpapasuso
• Sobrang pagdidikit ng mga lining ng matris (Asherman Syndrome)
• Stress
• Polyps sa lining ng matris
• Myoma o uterine fibroids
Gamutan
Ang paglalapat ng lunas sa ganitong kondisyon ay depende sa sanhi at kagustuhang magkaanak. Ayon sa espesyalista, walang gamutan sa abnormal na pagrereglang sanhi ng pagdadalaga (puberty) at menopause maliban lang kung ito ay sobra o nakagagambala.
Sa iba pang dahilan, narito ang ginagawa ng mga eksperto:
• Itinatama ang pinag-uugatang sakit o kondisyon.
• Pinapalitan ang uri ng birth control.
• Binabago ang paraan ng pamumuhay.
• Hinihikayat ang pasyente na magpababa ng timbang.
• Hormone therapy.
• Operasyon.
Kung kayo ay nakararanas ng ganitong kondisyon, ang bilin ni Dok, huwag mag-atubiling komunsulta sa OB Gynecologist.
Section Main Story,Current Affairs Programs,Salamat Dok,lists,menstruation,kinds,Current Affairs,abnormality,types