Nuisance noon pang '98, 'mister' ni Kris, nais tumakbo sa halalan sa 2019

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2018 08:19 PM

Ika nga nila, "laban lang."

Muling naghain ng kandidatura nitong Huwebes ang dalawang dati nang kinilala ng Commission on Elections (Comelec) na nuisance candidate — isang noon pang 1998 na halalan sinusubok na makatakbo at isang dating nagpakilalang "mister" ni Kris Aquino.

Kahit paulit-ulit nang tinanggihan ng Comelec at tinawag na nuisance candidate, nagtungo pa rin ang refrigerator technician na si Benjamin Rivera sa tanggapan ng Comelec sa Intramuros para ihain ang kaniyang certificate of candidacy (COC) sa pagkaalkalde ng Maynila.

Sa panayam ng ABS-CBN News, sinabi ng 76 anyos na si Rivera na ipinagkikibit-balikat lamang niya ang pagbansag sa kaniyang nuisance candidate.

"Hindi ako nawawalan ng gana," sabi ni Rivera, na nagsimulang sumubok sa pagtakbo sa politika mula pa noong 1998.

Dagdag ni Rivera, sakaling siya ay mahalal ay uutusan niya ang mga opisyal ng gobyernong dawit sa katiwalian na tumungo sa kaniyang opisina at magsagot ng "preliminary questions."

Hinirang ding nuisance candidate noong halalan noong 2013 at 2016 si Daniel Magtira, na dating nagpakilalang asawa ni Kris Aquino.

Naghain ulit si Magtira nitong Huwebes ng COC sa pagkasenador. Sinabi niyang tututukan niya raw ang muling pagpapasigla ng Pinoy rock sakaling mahalal.

Nagpahabol din ng mensahe si Magtira kay Aquino: "Kris Aquino, kung nanonood ka ngayon, umiibig pa rin ako sa 'yo."

Naghain din ng kandidatura sa pagkasenador si Agi Tuana, na nagpakilalang "ex" ng dating Presidential Communications official at blogger na si Mocha Uson.

Ayon kay Tuana, na nangangasiwa umano ng isang junk shop sa Maynila, nais niyang mahalal sa Senado upang mapababa ang presyo ng petrolyo at makatulong sa pagsugpo sa krimen.

"Kailangan babaan natin ang langis, labanan 'yung crime, pati trapik," sabi ni Tuana.

Ukol naman sa dati niya raw kaugnayan kay Uson: "Matagal na 'yun, college pa ko. Parang ano lang, one-night stand lang."

Nais ding tumakbo sa pagkasenador ni Emilio Delfin Tagean, na nagpakilalang "Haring Salam ng Maharlika Kingdom."

Nangako si Tagean na ipaglalaban ang mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Ayon sa Comelec, pag-aaralan pa naman nila ang lahat ng mga nais kumandidato kung may kakayahang magsagawa ng isang nationwide campaign.

Noong halalan noong 2016, sa 140 nagsumite ng COC sa pagkasenador ay 90 ang idineklarang nuisance candidate habang 50 ang pinayagang tumakbo.

-- May ulat nina Niko Baua, Ron Gagalac, at Patrick Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.