PatrolPH

Lalaking Chinese tumakbong hubo’t hubad sa riles ng MRT

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2021 06:02 AM | Updated as of Aug 13 2021 08:20 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Nasa kustodiya na ng Mandaluyong City Police ang isang lalaking Chinese na inaresto matapos tumakbo nang walang suot sa riles ng MRT-3 Huwebes ng madaling-araw.

Pinag-usapan online ang 10-segundong video na kinunan ng commuter na nagpakilalang si Panda Preecs Pogi.

Kita rito ang tila pag-jogging ng hubo’t hubad na lalaki sa northbound tracks ng MRT-3 Boni Station papuntang Shaw station bandang 5:37 a.m. 

Hinabol naman siya ng isang tauhan ng istasyon.

Kuwento ng uploader, tumigil ang paparating na tren bago pumasok ng istasyon dahil sa nangyari. Inabot pa ng 20 minuto bago nakasakay ang mga pasahero.

Nauna niyang nakita ang lalaki sa baggage inspection bago bumaba ng platform.

Sabi ni Preecs, nagkatensyon sa pagitan ng Chinese at security guard ng MRT nang pinabubuksan ang dala nitong pink na maleta.

"Hinatak na malakas ang maleta ng guard. Binuksan niya ang bag na isa at tinatapon, hinahagis niya ang laman noon,” kuwento niya. 

Hindi umimik ang Chinese pero, ayon kay Preecs, hinagis ng lalaki ang mga laman ng isa pa niyang dalang bag.

Ilan sa nakitang laman ng bag ay katol, mug, at lotion.

"Nagulat kaming lahat na may tumatakbong nakahubad. Tapos buti na lang na huminto sa bungad ang train kasi kung hindi, maaabutan siya,” dagdag niya.

Ayon sa pahayag ni MRT-3 officer-in-charge general manager Eymard Eje, bigla na lang nagtanggal ng damit ang Chinese, tumakbo pababa sa platform, at tumalon sa riles.

Nahuli ang lalaki ng 4 na security personnel ng istasyon makalipas ang 5 minuto. Inilabas siya nang nakadapa sa stretcher.

Napag-alamang 27-anyos ang Chinese at walang tirahan. Hindi rin siya makaunawa ng Ingles.

Nakatakdang sampahan ang banyaga ng mga kasong alarm and scandal, at indecent act or exposure dahil sa umano’y panggugulo sa publiko.

Noong Mayo, kinasuhan din ang ang 2 lalaking inaresto sa MRT-3 Quezon Avenue Station matapos bumaba sa riles at kumuha ng selfie.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.