Para sa selfie: Lalaking bumaba sa riles ng MRT, kasamahan, hinuli

ABS-CBN News

Posted at May 11 2021 01:42 PM | Updated as of May 11 2021 03:43 PM

Para sa selfie: Lalaking bumaba sa riles ng MRT, kasamahan, hinuli 1
Kaso at multa ang haharapin ng mga lalaki na bumaba sa riles ng MRT para magselfie. Larawan mula sa DOTr MRT-3

MAYNILA — Huli ang isang lalaking bumaba sa riles ng Manila Metro Rail Transit System Line 3 (MRT-3) pati ang kasamahan nitong nag-selfie nitong Linggo ng gabi.

Kinilala ang mga suspek na sina Jerald Oliva, 22, isang construction worker, na bumaba sa riles habang kumuha naman ng larawan si Rey Llasos, 28, tricycle driver, kasama siya. 

Ayon sa Facebook post ng Department of Transportation (DOTr) MRT-3, bandang 7:15 ng gabi nang mamataan ng mga guwardiya ng tren ang dalawang lalaki sa Quezon Avenue station (Northbound) sa aktong paglabag sa patakaran ng MRT-3 ukol sa pagbaba sa riles.

 

“Mahigpit na ipinagbabawal ang pagbaba sa riles ng MRT-3 sa mga hindi awtorisadong indibidwal sapagkat delikado ito at maaaring ikapahamak hindi lang ng susuway sa patakaran ngunit gayundin ng iba pang pasahero ng linya,” saad ng DOTr MRT-3.

Nahaharap sa kasong paglabag sa alarms and scandals ang dalawang suspek na dinala sa Quezon City Police District – Kamuning Police Station (PS-10) para sa inquest procedure.

Hinihikayat ng pamunuan ang publiko na iulat ang mga ganitong insidente sa mga transport marshal o security guards na naka-duty sa mga istasyon upang agad na maaksyunan ang pangyayari.

KAUGNAY NA ULAT

Watch more on iWantTFC