Anti-tsismis ordinance panukala sa isang barangay sa Laoag

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2019 08:38 PM

LAOAG CITY — Limang taon na ang sari-sari store ni Marilou Tangonan sa Barangay Sta. Rosa dito sa bayan. At isa sa dahilan ng umano'y tagumpay nito ay ang mga tumatambay na kostumer.

Aminado si Tangonan na dahil sa pag-iistambay ng mga suki niya, hindi nila maiwasan ang pagpapalitan ng sari-saring tsismis.

"Narinig ko mga sabi-sabi sa mga kapwa tao, nae-engganyo akong marinig kasi kakaiba, tsismis nga," paliwanag ng tindera.

Sabi ng chairman ng Barangay Sta Rosa, tsismis ang isa sa pangunahing problema sa lugar nila. Nagiging ugat aniya ito ng hindi pagkakaintindihan ng mga residente. 

Dito nila naisipan na ipanukala ang isang anti-tsismis ordinance.

"Kabit, paninira, nag-aaway sila, minsan nagreresponde kami sa gabi, hindi lang mga babae kahit mga lalaki tsismoso," hinaing ni chairman Roger Baloaloa.

Hati naman ang opinyon ng magkapatid na sina Angelina Domingo at Leonila Gamayin.

"Pampalipas oras ang tsismis, normal na 'yan," depensa ni Domingo. 

"Ang tsismis may nadadagdagan at nababawasan [sa kuwento kaya] okay na 'yung ordinansa," pangontra naman ni Gamayin. 

Kasalukuyang pinag-aaralan ng Sangguniang Panlungsod ang ordinansa ng barangay.

Kapag naaprubahan, magmumulta ng P500 at papatawan ng 3 araw na community service ang mga lalabag para sa first offense.

Papatawan naman ng P700 multa at 5 araw na community service para sa second offense.

Papalo naman sa P1,000 multa at 7 araw na community service para sa third offense.

Sakop ng ordinansa ang mga dayo o mga papasok sa nasabing barangay para lamang magtsismisan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.