Makikita sa resulta ng X-Ray ni Kent Ryan Tomao na naiwan sa kanang bahagi ng kaniyang dibdib ang blade ng kutsilyo. Enero 2020 nang masaksak si Tomao, pero agad daw tinahi ang kaniyang sugat nang dalhin sa ospital sa Kidapawan City. Larawan mula kay Kent Tomao
Ikinagulat ng isang lalaki ang nakitang blade ng kutsilyo na naiwang nakabaon sa kaniyang dibdib, base sa resulta ng x-ray niya nitong Martes sa isang ospital sa Agusan del Sur.
Ikinabahala ni Kent Ryan Tomao, 25, na 14 buwan na palang nakabaon sa kaniyang katawan ang kutsilyo na hindi pa alam kung gaano kahaba.
Nagpa-X-ray si Tomao bilang requirement sa kaniyang pag-a-apply sa trabaho.
“Sabi ng doktor, dapat makuha na agad kasi malapit yung kutsilyo sa lungs, delikado po,” sabi ni Tomao sa sang panayam ngayong Miyerkoles.
Enero noong nakaraang taon nang masaksak si Tomao ng isang grupo ng binatilyo sa North Cotabato.
Nang dalhin siya sa isang ospital doon, hindi man lang umano nagsagawa ng test ang doktor at nurse sa kaniya, at tinahi lang agad ang kaniyang sugat.
“Wala akong na x-ray. Tinahi lang nila diretso kasi sabi ng doktor, mababa lang naman daw yung sugat,” kwento niya.
Minsan, sumasakit pa umano ang parte ng sugat ni Tomao pero binabale-wala lang ito.
Mensahe niya sa ospital na ayusin ang serbisyong ibinibigay sa mga pasyente.
“Sana ayusin nila ang pag-alaga sa kanilang mga pasyente kasi binabayaran sila nang maayos ng gobyerno. Pantay-pantay sana ang trato,” sabi niya.
Planong bumalik ni Tomao sa nasabing ospital para ipatanggal ang kutsilyo, pagkauwi niya sa Kidapawan City.
- Ulat ni Chrislen Bulosan
FROM THE ARCHIVES
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
X-ray, nakabaong kutsilyo, kutsilyo, Agusan del Sur, Tagalog news, Regional news, regions, foreign body, Kidapawan City, North Cotabato, kutsilyo naiwan sa katawan