Isdang 'walang mukha', mga kaanak ng 'pinakapangit' na hayop, natagpuan | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Isdang 'walang mukha', mga kaanak ng 'pinakapangit' na hayop, natagpuan

Isdang 'walang mukha', mga kaanak ng 'pinakapangit' na hayop, natagpuan

ABS-CBN News

 | 

Updated Feb 21, 2018 03:52 PM PHT

Clipboard

Nasa retrato na inilabas noong Pebrero 21 ng Commonwealth Scientific and Industrial Research Organisation ang isang faceless fish o uri ng isdang walang mukha, na pinag-aaralan sa isang laboratoryo sa lungsod ng Hobart sa Australia. Higit 100 uri ng isda ang nahanap sa isang paglalayag kamakailan sa kailaliman ng karagatang bumabaybay sa silangang Australia, kabilang ang kaanak ng tinaguriang pinakapangit na hayop sa buong mundo. Kuha ni Asher Flatt ng Marine National Facility

Nahanap ng mga siyentipiko sa kailaliman ng karagatang malapit sa Australia ang higit 100 uri ng isdang hindi gaanong nakikita, kabilang ang uri ng isdang kaanak umano ng tinaguriang "world's ugliest animal" o pinakapangit na hayop sa buong mundo.

Isang buwan ang inilagi ng mga siyentipiko sa katubigang nasa silangan ng Australia noong nakaraang taon para suriin ang mga nabubuhay sa dagat, hanggang sa lalim na 4.8 kilometro o 2.9 milyang lalim.

Higit 42,000 isda at inverterbrates, o iyong mga hayop na walang gulugod, ang nahuli. Ang ilan sa mga ito ay maaari umanong mga bagong tuklas na uri ng hayop.

BLOB FISHES

Kabilang sa mga nahuli ay ang "blob fishes," na pinsan umano ni Mr. Blobby, na binoto ng Ugly Animal Preservation Society noong 2013 bilang pinakapangit na hayop sa buong mundo.

ADVERTISEMENT

Nahanap si Blobby, na kabilang sa lahi ng mga isdang psychrolutidae, sa may baybayin ng New Zealand noong 2003 at magiliw siyang pinangalanan ng mga siyentipikong nakatuklas sa kaniya.

Bukod sa blob fishes, nahanap din sa paglalayag noong nakaraang taon ang mga pating na bioluminescent o umiilaw ang katawan at mga nakakatakot na lizard fish.

Nahanap din ang isang kakaibang isdang tila walang mukha, na isang beses pa lang naitatala sa may Papua New Guinea noong 1873.

Magtitipon-tipon ngayong linggo ang mga siyentipiko sa Hobart, ang kabisera ng estadong Tasmania sa Australia, para patuloy na pag-aralan ang mga nahuling hayop.

Ayon kay Martin Gomon, isang dalubhasa sa mga isda mula sa Museums Victoria, ito ang unang pagkakataon na pag-aaralan sa sistematikong paraan ang mga hayop mula sa ganoong lalim ng karagatan ng Australia.

Mahirap ang buhay sa mga ganoong lalim ng dagat dahil hindi ito naaabutan ng sikat ng araw, hirap makakuha ng pagkain, at sobrang lamig ng temperatura.

Ito ang nagtutulak sa mga hayop na naninirahan dito para mag-evolve o magbago ng anyo upang mabuhay.

Dahil kakaunti ang pagkain, karamihan sa mga hayop na mahahanap dito ay maliit at mabagal kumilos.

Karamihan ay pinalilipas ang buong buhay nilang palutang-lutang lang sa tubig, habang ang iba ay may mga malulupit na gulugod at pangil, at naghihintay ng maaaring makain.

Ang paglalayag, na pinangunahan ng organisasyong Museums Victoria, ang unang beses na ginalugad ang kailaliman ng silangang katubigan ng Australia.

Ayon kay Alastair Graham, manager ng Australian National Fish Collection, ang mga katubigan sa silangang Australia ay isa sa pinakamalaki at malalim na habitat o tahanan ng mga hayop sa buong mundo. Sa katunayan ay sakop nito ang isang-katlo ng teritoryo ng Australia.

Pero, ani Graham, marami pa ang maaaring matuklasan sa lugar na iyon.

-- Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.