Kinalawang na ang mga ride sa isang peryahan sa Las Piñas City matapos matengga nang 20 buwan dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Adrian Escalona, may-ari ng peryahan, mula sa P100,000 na kita kada 3 buwan sa peryahan dati, ngayo'y P20,000 ang kita niya mula sa water refilling station.
Ang kaniyang kita'y para sa pamilya at nasa 10 empleyadong kinupkop na niya.
"'Yong iba, kinuha ko, nandoon sa water station ko, kinuha kong tao ko doon, mga taga-deliver, taga-refill po ng tubig... 'yong ibang tao ko nagsiuwi na po kasi hindi ko na rin po kayang mapakain po," ani Escalona.
Pinipinturahan at kinokondisyon na nila Escalona ang rides dahil nasa ilalim na ng Alert Level 2 ang Metro Manila, kung saan pinapayagang mag-operate ang mga perya.
Exicted na umano sila Escalona sa balik-operasyon pero nangangamba ring hindi pa sila tuluyang makabawi ng kita.
"Mahalaga po sa amin 'yon dahil 'yon lang 'yong alam naming trabaho na ibubuhay sa pamilya namin," sabi ni Alexander Pascua, ride operator sa peryahan.
Magbubukas na rin ulit ang isang comedy bar sa Las Piñas City, na pinapayagan na ring mag-operate sa ilalim ng Alert Level 2.
Todo-paglilinis at paghahanda ang pamunuan ng comedy bar.
Pero mula sa 30 entertainer, 2 na lang muna ang magtatanghal.
"Siyempre lahat naman mabibigyan ko naman ng work pero adjust-adjust naman tayo nang konti," sabi ni Andrew de Real, may-ari ng comedy bar.
Nagpaalala naman ang Department of Trade and Industry na kailangang bakunado ang lahat ng empleyado sa mga indoor operation.
Kailangan ding bakunado ang mga kostumer, maliban sa mga menor de edad.
Nasa 50 porsiyento ang pinapayagang capacity sa mga indoor entertainment venue habang 70 porsiyento naman sa outdoor.
Hindi naman papapasukin ang mga menor de edad na walang kasamang magulang o guardian na nasa tamang edad na.
Kailangan pa ring sumunod sa health protocol, gaya ng pagsuot ng face mask at face shiled kapag indoor.
Nasa kamay na umano ng mga lokal na pamahalaan kung magdadagdag pa ng ibang requirement sa mga entertainment venue, tulad ng vaccination card, birth certificate o ID sa mga menor de edad.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.