Checkpoint sa may tulay sa Santa Ana, Maynila noong Agosto 18, 2021. George Calvelo, ABS-CBN News
MAYNILA (UPDATE) — Inilabas ngayong Martes ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases ang guidelines para sa ipatutupad na alert level system simula Setyembre 16.
Simula Huwebes, ipatutupad sa National Capital Region ang alert level system, na papalit sa community quarantine statuses sa pagtatakda ng mga restriction.
Ayon sa IATF, ipapatupad ang alert level system sa mga lugar base sa kondisyon ng COVID-19 cases at estado ng health care utilization rate doon.
Ipatutupad ang Alert Level 1 kung kaunti ang kaso at pababa na ang COVID-19 transmission, at mababa rin ang total bed utilization rate at intensive care unit (ICU) utilization rate.
Dito, bukod sa granular lockdown areas, lahat ng establisimyento at aktibidad ay maaaring mag-operate, at papayagan din ang full on-site, venue o seating capacity basta susunod sa minimum health standards.
Alert Level 2 naman ang ipapatupad sa lugar kung saan pababa na ang case transmission, at mababa pero tumataas ang health care, total bed, at ICU utilization rates.
Papayagan ang 50 porsiyento on-site, venue o seating capacity. Pero puwede pa ring taasan ng dagdag na 10 porsiyento kung may safety seal certification ang mga industriya, gaya ng indoor visitor o tourist attractions, libraries, museums, at iba pa.
Kasama rin sa papayagan ang mga indoor entertainment venue gaya ng karaoke bars, bars, clubs, concert halls, theaters, at sinehan.
Puwede rin ang indoor dine-in services sa mga restaurant at iba pang kainan, gayundin ang indoor sports courts or venues, fitness studios, gyms, spas at iba pang indoor leisure centers o facilities.
Pagdating naman sa Alert Level 3 kung saan mataas o tumataas ang kaso ng COVID-19 gayundin ang total bed at ICU utilization rate, babawasan sa 30 porsiyento ang mga puwedeng mag-operate sa Alert Level 2 areas.
Sa ilalim ng Level 3, bawal ang mga sumusunod:
- Indoor entertainment venues tulad ng cinemas at venues na may live performers
- Outdoor at indoor amusement parks or theme parks, funfairs o perya, at kid amusement industries
Alert Level 4 naman ang ipatutupad sa mga lugar kung saan mataas at patuloy na tumataas ang COVID-19 case count, at itinuturing na "high" ang total bed at ICU utilization rate dito.
Sa ilalim ng Level 4, mas mahigpit ang mga industriya dahil nakapako lang sa 10 porsiyento ang papayagang indoor dine-in pero para lang sa mga fully vaccinated; habang 30 porsiyento naman sa outdoor o al-fresco dine-in pero puwede kahit sa mga hindi bakunado.
Hindi papayagan ang mga indoor visitor o tourist attraction, library, at iba pang indoor venue at entertainment venue.
Bawal din ang mga sumusunod:
- Casinos, horse racing, cockfighting at ibang gaming establishments bukod sa mga nauna nang inaprubahan ng IATF o Office of the President
- Social events tulad ng concerts, parties, at wedding receptions
- Indoor sports courts o venues, fitness studios, gyms at spas
- Lahat ng uri ng contact sports bukod sa bubble-type setup
- Personal care services gaya ng beauty salons, beauty parlors, gayundin ang specialized markets ng Department of Tourism tulad ng staycations
Papayagan sa Alert Level 4 ang individual outdoor exercises, pero dapat sa lugar kung saan malapit ang tirahan.
Samantala, sa Alert Level 5 naman tutukuyin ang mga lugar na maituturing na alarming ang kaso ng COVID-19 at "critical" ang total bed at ICU utilization rate.
Sa lebel na ito, ipatutupad ang guidelines ng enhanced community quarantine (ECQ) status na nauna nang inaprubahan ng IATF.
Alert Level 4 sa Metro Manila
Simula Huwebes, Alert Level 4 ang ipatutupad sa buong Metro Manila, na tatagal nang 2 linggo, ayon sa Department of the Interior and Local Government.
Ayon kay Interior Undersecretary Epimaco Densing, pinagbasehan dito ang pagtaas ng daily attack rate o dumaraming kaso ng COVID-19 kada araw, at health care utilization rate o bilang ng mga pasyente sa mga ospital.
Sa ngayon, 76 porsiyento ang health care utilization rate sa Kamaynilaan.
Nilinaw ni Densing na iisang alert level ang ipatutupad sa Metro Manila, at magiging mas maluwag ang Alert Level 4 kaysa sa kasalukuyang umiiral na modified ECQ.
Dahil mas maraming aktibidad ang papayagan, sasabayan ito ng mga granular lockdown para mapigilan ang pagkalat ng sakit.
Ayon naman kay Metropolitan Manila Development Authority Chairman Benhur Abalos, iiklian na rin ang curfew sa Kamaynilaan simula Huwebes.
Mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw na ang bagong curfew mula sa dating alas-8 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.
Sinimulan na rin ngayong Martes ng mga mayor sa Metro Manila na pag-aralan ang ibinabang guidelines.
Sa Quezon City, sinabi ni Mayor Joy Belmonte na ibabangga niya ang guidelines sa mga panuntunang ipinapatupad na para swak sa sitwasyon ng lungsod.
Ayon naman kay Valenzuela Mayor Rex Gatchalian, handa rin siyang sundin ang IATF guidelines, na aniya'y halos pareho lang sa ipinatutupad ngayon.
Maglalabas umano si Gatchalian ng do's and don'ts sa siyudad at ipapaskil din sa social media.
Para naman kay San Juan Mayor Francis Zamora, magandang incentive ang alert system para mahikayat ang mga tao na magpabakuna.
Pabor si Zamora na bigyan ng kaunting kaluwagan ang mga bakunado.
— May ulat nina Joyce Balancio, Pia Gutierrez at Doris Bigornia, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Teleradyo, Headline Pilipinas, COVID19, COVID-19, coronavirus, COVID 19, TV Patrol