PatrolPH

Taas-presyo ng langis asahan sa Oktubre 26

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2021 04:51 PM

MAYNILA—May oil price hike na dapat asahan sa Oktubre 26, ayon sa mga taga-industriya, ang ika-9 na sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo. 

Pero hindi na ito kasinglaki ng taas-presyo noong nakaraang linggo. 

Taas-presyo sa petrolyo 

  • Gasolina P1.10-P1.50/L
  • Diesel P0.30-P0.40/L
  • Kerosene P0.50-P0.60/L

Batay sa tantiya ng mga taga-industriya, P0.30 hanggang P0.40 ang taas-presyo sa diesel, at P0.50 hanggang P0.60 ang taas-presyo sa kada litro ng kerosene. 

Maglalaro naman sa P1.10 hanggang P1.50 ang taas-presyo sa kada litro ng gasolina. 

Ayon sa mga taga-industriya, humupa na ang presyo ng langis sa world market noong Martes hanggang Huwebes pero muling umakyat noong Huwebes. 

Bumaba na anila ang presyo nang ilang araw kasunod nang lumabas na forecast na hindi ganoon katindi ang magiging taglamig. 

Tumataas kasi ang demand tuwing winter dahil sa heating fuel. 

Pero sa pangkalahatan, pataas pa rin ang direksyon ng presyo ng langis dahil sa kakulangan ng suplay. 

Nasa halos P20 kada litro na ang iminahal ng gasolina mula Enero, P18 naman sa diesel at mahigit P15 sa kerosene. — Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.