Suplay ng gas sa Malampaya, malapit nang maubos

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2017 07:06 PM | Updated as of Oct 23 2017 09:38 PM

Malapit nang maubos ang suplay ng natural gas sa Malampaya sa Palawan na ginagamit ng ilang planta sa bansa upang gumawa ng kuryente.

Kaya minamadali na ng pamahalaan ang pagtatayo ng mga pasilidad para mag-angkat ng liquefied natural gas (LNG) mula sa ibang bansa.

Ito ang magsisilbing pamalit na panggatong ng mga planta ng kuryente.

Ayon sa Department of Energy (DOE), puwede namang maghanap ng karagatan sa Pilipinas na pagkukuhanan ng natural gas pero mabilis dapat ang proseso.

Hindi na kasi lalagpas ng 2022 hanggang 2024, lima hanggang pitong taon mula ngayon, ang suplay ng natural gas sa Malampaya.

Kasabay nito, nakatakda na ring matapos ang kontrata ng Malampaya sa Ilijan Power Plant sa Batangas sa 2022 at sa First Gen Corporation sa 2024.

Sakaling imported na petrolyo, gaya ng diesel, ang ipapalit na panggatong ng planta, posibleng tumaas ang singil sa kuryente.

 

Samantala, nag-anunsiyo ang ilang kompanya ng langis na tataas ang presyo ng gasolina, diesel at kerosene simula Martes, Oktubre 24.

Madaragdagan ng P0.65 ang presyo kada litro ng gasolina, P0.35 sa kada litro ng diesel, at P0.55 naman sa presyo kada litro ng kerosene.

Hatinggabi ipatutupad ng kompanyang Flying V ang bagong presyo.

Alas-6 ng umaga naman itataas ng mga kompanyang SEAOIL, Eastern Petroleum, Phoenix Petroleum at Shell Philippines ang presyo ng kanilang mga produkto.

Sinasalamin umano ng pagbabago sa presyo ang galaw ng pandaigdigang presyo ng langis. -- May ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.