MAYNILA - Humingi ng pag-unawa sa publiko ang isang transport group kaugnay sa kasadong plano nilang maghain ng petisyon para sa dagdag sa singil sa pamasahe sa Miyerkoles.
Nakatakdang ihain ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) at apat na iba pang transport groups ang hiling na P3 dagdag sa singil sa pamasahe.
“Masama ang loob naming mag file nito kaya lang wala na kaming uurungan dahil matagal na kaming humihingi ng tulong sa ating gobyerno lalo na sa LTFRB, sa DSWD, dahil ilan-ilan lang ang nakatikim doon sa ayuda ng DSWD sa amin kaya kami talagang hirap na hirap na at ang daming namamalimos naming mga kasamahan at talagang napakataas na po yung fuel,” pahayag ni LTOP president, Orlando Marquez Jr.
Ayon kay Marquez, marami aniya silang panukalang nais na ihain sa gobyerno para makatulong na hindi na magkaroon ng dagdag-singil sa pamasahe pero hindi naman sila pinapakinggan.
“Kaya ito po humihingi kami ng pasensiya, paumanhin, pag-unawa sa ating mga kababayan, ito na po ang aming napag-usapan naipa-file na namin bukas ang aming kahilingan dahil wala naman po kaming mahintay na tawag sa ating kinauukulan,” sabi ni Marquez.
Sakaling payagan, ang P9 na minimum fare sa jeep ay aakyat na sa P12.
Dagdag pamasahe, jeep fare hike, transport groups, Transportation, commuters, Liga ng Transportation at Operators sa Pilipinas, TeleRadyo